^

Punto Mo

EDITORYAL — Universal Access to Quality Tertiary Education Act

Pang-masa

NOONG Biyernes, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12325, batas na nagpapalawak sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Layunin ng batas na mas mara­ming mahihirap na estudyante ang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan upang makapag-aral o makapagtapos ng kolehiyo.

Magandang balita ito sa mga kabataan. Pero ipinapaalala rin nito ang isang katotohanang matagal nang alam nang maraming Pilipinong estudyante: hindi sapat ang libreng tuition para makapagtapos ang mga mahihirap na estudyante.

Noong ipinasa ang Free Tuition Law noong 2017, nabuksan ang pintuan ng kolehiyo para sa milyun-milyong kabataan. Ngunit ang libreng pagpasok sa unibersidad ay hindi nangangahulugan na makaka-graduate siya rito. Maraming estudyante nga ang libre ang tuition, pero araw-araw namang iniisip kung saan kukuha ng pamasahe, pagkain, boarding house, libro, internet, o bayad sa review at licensure exam.

Sa mga suliraning ito, mas malinaw kung bakit kinailangang amyendahan ang batas. Ayon sa EDCOM 2, ang Tertiary Education Subsidy (TES), na dapat sana’y prioridad ang pinakamahihirap, ay unti-unting napunta sa mas may kakayahang aplikante.

Mula 74.24 porsiyento ng TES grants na napupunta sa poorest households noong 2018, bumagsak ito sa 30.74 porsiyento pagsapit ng 2022.

Ibig sabihin, may libreng tuition nga, pero hindi garantiya na ang pinaka-nangangailangan ang ­unang natutulungan. Ito ang mahalagang pagbabago sa RA 12325. Magiging priority na ngayon ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps at ang mga natitirang slot ay ibabatay sa household income.

Dahil ang tunay na gastos sa kolehiyo ay hindi lang tuition. Maraming estudyante ang humihinto hindi dahil sa tuition, kundi dahil wala nang pang-araw-araw na gastos. Kaya mahalaga ang bagong batas.

Pero ang tunay na pagsubok ay nasa ­implementasyon. Madaling magpasa ng batas. Pero mas mahirap tiyaking ang tulong ay makararating sa mas mga nangangaila­ngang estudyante.

Ang tunay na sukatan ng tagumpay ng free tertiary education ay hindi kung ilang kabataan ang nakapasok sa kolehiyo kundi kung ilang mahihirap na Pilipino ang nakatanggap ng pagkakataong makapagtapos at magkaroon ng pagbabago ang kanilang hinaharap.

FREE SCHOOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with