^

Punto Mo

‘Baboy’

HINDI MALILIMUTANG KARANASAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

SENIOR citizen na ako ngayon. Ang karanasan kong ito ay nangyari noong ako ay 10 taong gulang at nasa Grade 4. Nakatira kami sa bukid. Ang tatay ko ay magsasaka. Sariling lupa ang aming sinasaka na medyo may kalakihan din naman. Namana iyon ng aking ama sa kanyang mga magulang. Sa tantiya ko ay mga sampung ektarya ang lupa na namana ng aking ama.

Kalahati ng lupa ay natataniman ng kawayan. Sabi ni Itay, ipinayo raw ng kanyang ama (lolo ko) na kawayan ang itanim dahil maganda itong panangga sa erosion o pagguho ng lupa. Ang lupa kasi ay napapaligiran ng sapa. Kapag kawayan daw ang tinanim sa pampang, hindi magkakaroon ng landslide kahit kailan. At totoo naman sapagkat hindi nga nagkaroon ng landslide sa aming lupa. Matibay ang lupa.

Bukod sa nagbibigay ng tibay sa lupa, malaki ring pera ang kinikita sa kawayan. Halos lahat ng mga gumagawa ng bahay, basket, iba’t ibang handicraft at maski pantuhog sa inihaw na karne at isda ay sa amin bumibili ng kawayan. Ipinagmamalaki ko na ang ginastos ni Itay sa a­king pag-aaral sa kolehiyo at sa iba ko pang kapatid ay galing sa kawayan. Pawang mga tinikan na kawayan ang aming tanim. Ito ang variety na matibay.

Balik tayo sa karanasan ko. Noon ay madalas akong isama ni Itay sa panghuhuli ng isda sa sapa gamit ang lambat.Mga alas kuwatro ng umaga kami bumabangon. Sagana sa isda ang sapa. Mayroon ding hipon at talangka kaming nahuhuli.

Habang naglalakad kami, sinabi sa akin ni Tatay na huwag akong lilingon sa likuran kapag dumadaan kami sa kawayanan. “Bakit Itay?’’ tanong ko. “Basta huwag kang lilingon.’’

Dumaan kami sa kawa­yanan. Tahimik na tahimik. Hindi ako nakatiis at lumingon ako. Halos tumayo ang aking balahibo sapagkat isang itim na baboy ang sumusunod sa amin. Wala naman kaming ala­gang baboy. At bakit naroon ito sa ganung oras.

Ibinaling ko ang tingin sa aming dinadaanan. Sa­sabihin ko sana kay Itay ang aking nakita pero naalala ko ang sinabi niya na huwag akong lilingon.

Nang muli akong lumi­ngon para tingnan ang itim na baboy, nagulat ako sapagkat wala na ito! Naninindig pa rin ang balahibo ko.

Nang umuwi kami makaraang mangisda at dumaan sa kawayanan na kinakitaan ko ng baboy, wala na ito.

Nang makarating na kami sa bahay, saka ko sinabi kay Itay ang tungkol sa baboy na aking nakita. Hindi siya makapaniwala. Sabi ni Itay, maaring aswang ang baboy. Kaya raw sinabi niya sa akin na huwag lili­ngon ay dahil may nagsabi na rin sa kanya na may nakikita ngang baboy sa kawayanan. Ayaw daw niya akong matakot.

Hindi ko malimutan ang karanasang iyon. ­Nanini­ndig ang balahibo ko kapag naaalala ang pangyayaring iyon.

vuukle comment

PORK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with