^

Punto Mo

EDITORYAL - Patuloy pa rin ang pag-angkat ng bigas

Pang-masa
EDITORYAL - Patuloy pa rin ang pag-angkat ng bigas

NAKATUTUWA ang inihayag ng Department of Agriculture (DA) na umabot sa 20.06 milyong metriko tonelada (MT) ng palay ang naani noong 2023. Ito umano ang pinakamataas na ani ng bansa sa kasaysayan. Noong 2022, nakaani lamang umano ng 19.76 milyong MT ang bansa. Noong 2021, nakaani ang bansa ng 19.96 milyong MT.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., sinisikap nilang mapababa ang production cost ng mga magsasaka para lumaki ang kita ng mga ito sa aning palay, gulay at iba pang agricultural products.

Isa sa magandang sinabi ni Laurel, patuloy nilang tinutugis ang mga smuggler ng agri products. Hindi umano titigil ang DA hangga’t hindi nasasawata ang smugglers ng bigas, gulay, sibuyas at iba pang produktong agrikultura.

Pero mas matutuwa ang mamamayan kung lubusan nang mapuputol o maihihinto ng DA ang nakasanayan nang pag-import ng bigas. Noon pa, nakadepende na ang Pilipinas sa imported na bigas at tila wala nang pagpipilit ang mga lider ng bansa para matigil na ang pag-angkat. Natagurian pang agricultural na bansa ang Pilipinas pero ang nakahain sa hapag ay kanin mula sa bigas na inangkat sa Vietnam, India, China at Pakistan.

Mas malawak ang tanimang lupa ng Pilipinas kaysa Vietnam pero patuloy na umaangkat ng bigas. Hindi katanggap-tanggap ang nangyayaring ito na mayaman ang lupain ng Pilipinas subalit pawang pag-angkat ang ginagawa. Wala nang pagsisikap na mapaunlad ang ani. Lagi na lamang ba dedepende sa imported?

Nang maupo si President Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 2022 at siya rin ang umaktong Agriculture secretary, nasabi niya na hindi katanggap-tanggap ang pag-angkat ng bigas lalo’t ang Pilipinas ay agricultural na bansa. Sinabi rin niya na hindi maganda ang pamumuno sa DA sa mga nakaraan. May mali sa sistema.

Binitawan ni Marcos Jr. ang DA makalipas ang mahigit isang taon at itinalaga si Laurel sa puwesto. Wala namang nabago sa DA sa pamumuno ni Marcos at maski ang bigas ay hindi bumaba ang presyo at tumaas pa nga. Sa kasalukuyan, umaabot sa P60 ang kilo ng bigas. Hindi rin naman natupad ang P20 bawat kilo na pangako ni Marcos noong nangangampanya para sa presidential election.

Nang dumalaw si Marcos sa Vietnam noong nakaraang linggo, nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) ng dalawang bansa tungkol sa limang taong trade agreement kung saan susuplayan ng bigas ang Pilipinas.

Ibig sabihin, nakadepende pa rin ang Pilipinas sa bigas ng ibang bansa at walang pagkilos para magkaroon ng sariling ani na ihahain sa mesa ng bawat Pilipino. Maraming inaaning palay ang Pilipinas pero patuloy pa rin ang pag-import ng bigas.

vuukle comment

BIGAS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with