^

Punto Mo

Daig pa ang sermon

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

HINDI ko sukat akalain na maririnig ko mula kay dating Senador Leila De Lima ang pinakamagandang sermon tungkol sa pananampalataya. Si De Lima’y halos pitong taon na nakulong dahil sa tatlong magkakahiwalay na kaso ng pangangalakal ng ilegal na droga na isinampa laban sa kanya ng administrasyon ni Presidente Duterte. Napawalang-sala na si De Lima sa dalawang kaso, isa na lamang ang natitira kung saan siya’y pinayagang makapagpiyansa dahil sa kahinaan ng kaso.

Sa mga media interview na aking napanood, consistent ang sagot ni De Lima kung paano niya nakayanan ang halos pitong taong pagkakabilanggo, kung saan pilit na winasak ang kanyang pagkatao at paninindigan. Ang sagot niya—dahil sa pananampalataya sa Diyos na umakay sa kanya upang mataimtim na manalangin at magbasa ng Biblia araw-araw.  Dahil dito, hindi niya naramdamang siya’y nag-iisa, sa halip, lagi niyang kasama ang Diyos.

Pananampalataya sa Diyos ng pag-ibig at katarungan, ito ang tanging makapag-aahon sa mga inosenteng taong pinagkaitan ng katarungan at dignidad dahil sa kagagawan ng mga taong umabuso sa kanilang kapangyarihan. Minsan, tila nagtatagal ang pagkilos ng Diyos, ngunit siguradong Siya’y kikilos sa panahong Kanyang itinakda upang manaig ang katotohanan at katarungan. Ang kailangan lamang ay ganap na pagtitiwala, dahil wika nga sa Isaias 30:18, “Sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya.”

Naalala ko ang maikling kwentong isinulat noong 1872 ng Russian author na si Leo Tolstoy, na pinamagatang, “God Sees the Truth, But Waits.” Kwento ito ni Ivan Dmitrich Aksionov na nakulong sa loob ng 26 na taon sa isang krimeng hindi niya ginawa. Tulad ni De Lima, pananampalataya rin sa Diyos na nakaaalam ng lahat ng katotohanan ang naging sandata niya para mapagtagumpayan ang malupit na bilangguan.

Ayon kay De Lima, napatawad na niya ang lahat ng yumurak sa kanyang pagkatao, maliban sa isa. Dahil sa pagpapatawad, lumaya siya sa pagkamuhi’t paghihiganti. Sinumang taong nagdusa sa isang kasalanang hindi niya ginawa, ang Diyos ang kanyang abogado, hukom at tagapagtanggol.  Ganito ang nakasaad sa Roma 12:19, “Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos.  Sapagkat nasusulat, ‘Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti,’ sabi ng Panginoon.” Kahit na tumanggap ng pagpapatawad sa taong ginawan ng kasalanan, ang gumawa ng kasalanan ay mananagot pa rin sa batas ng Diyos at tao.

Nakadama si De Lima ng kapayapaan, sapagkat nagkaroon siya ng tamang relasyon sa Diyos, sa  sarili, kapwa, at maging sa kalikasan. Ito ang kahulugan ng tunay na kapayapaan. Nagkaroon si De Lima ng malapit na kaugnayan maging sa iba pang nilikha ng Diyos, na tinawag niyang co-creatures. Naging malapit siya sa mga pusang gala at nakagiliwan niya maging ang mga insektong gumagapang sa loob ng kanyang selda.

Ayon kay De Lima, natutuhan niyang pahalagahan maging ang maliliit na bagay at pangyayari sa kanyang buhay.  Ito ang sikreto ng pagkakaroon ng kasiyahan—ang ipagpasalamat ang mga nasa atin na, sa halip na laging hilingin ang mga wala pa sa atin.

Ang lahat ng ito’y mahigit pa sa sermon na naririnig natin sa loob ng mga simbahan.  Ang totoo, ito ang pinakamaganda at pinakamakapangyarihang sermon na narinig ko sa mahabang panahon tungkol sa pananampalataya!

vuukle comment

LEILA DE LIMA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with