NPA terror attack, silat sa military

MANILA, Philippines — Nasilat ng tropa ng militar ang planong pagsasagawa ng terror attack ng grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kasunod ng pagkakarekober ng apat na improvised claymore mines at 67 rounds ng mga bala sa isinagawang clearing operation sa Brgy. Libo, Carigara, Leyte, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Army’s 8th Infantry Division, kabilang sa mga nasamsam na bala ay 54 rounds ng M16 rifles, pitong M14 rounds ng bala, apat na 50 caliber rounds, at dalawang .30 caliber carbine rounds.
Ang nasabing mga eksplosibo at mga bala na gagamitin ng NPA rebels sa paghahasik ng terorismo ay natunton kamakailan sa lugar mula sa impormasyon ng dalawang dating rebelde na sumuko sa militar.
Sinasabing ang nasabing mga eksplosibo ay itinanim ng mga rebelde laban sa tropa ng mga sundalo na nagsasagawa ng security operations sa lugar. Ayon sa militar mabuti na lamang at hindi sumabog ang mga bomba na maari pang makadisgrasya ng mga inosenteng mga sibilyan.
Kaugnay nito, kinondena naman ng 8th ID ang paggamit ng mga eksplosibo ng NPA rebels laban sa tropa ng pamahalaan. Nagpapatuloy ang opensiba tropa ng mga sundalo laban sa nalalabi pang puwersa ng komunistang grupo na target malipol ng AFP.
- Latest















