Lalaki tinarakan sa leeg, patay

CAVITE, Philippines — Duguan at may tama ng saksak sa leeg nang matagpuan ang isang lalaki sa isang lugar sa bayan ng Tanza, dito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si alyas “Joseph,” 39-anyos at residente ng Christine Village, Brgy. Biga, Tanza, Cavite.
Base sa ulat ng pulisya, alas-10 ng gabi nang matagpuan ang biktima na duguang nakahandusay sa gilid ng kalsada sa Brgy. Bagtas ng nasabing bayan.
Nauna rito, dalawang hindi kilalang lalaki ang nakita ng ilang testigo sa main road ng Phase 3 ng nasabing barangay kung saan natagpuan ang biktima.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakita ang dalawang suspek na nakasuot ng itim na jersey na may number na 22 sa likod at itim na pantalon habang ang isa ay naka-itim na t-shirt at itim na shorts.
Sa kasalukuyan inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pagpatay sa biktima at pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest




















