Catanauan nasa state of calamity sa El Niño
LUCENA CITY, Philippines — Isinailalim sa state of calamity ang Catanauan, Quezon, matapos pagtibayin ng Sangguniang Bayan ang deklarasyon bunsod ng matinding epekto ng El Niño o tagtuyot sanhi ng malaking pagkalugi sa sektor ng agrikultura.
Pinagtibay ang Resolution No. 2026-315 sa regular session ng konseho nitong Lunes, November 23, sa pangunguna ni Vice Mayor at Presiding Officer Manuel B. Montano, alinsunod sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Bago ang pag-aapruba, sinabi ni Catanauan Mayor Ramon Orfanel, umabot na sa P147 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura ng bayan, kabilang ang P95 milyon na pagkalugi sa industriya ng niyog, na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente.
Batay sa ulat ng Rapid Damage Analysis and Needs Assessment (RDANA) Team, tatlong barangay na ang nakararanas ng tagtuyot, kabilang ang Kawayan Ibaba, Tagbacan Silangan, at Tagbacan Ilaya.
Kasunod ng deklarasyon, pansamantalang sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang mga pampublikong aktibidad at pagdiriwang kabilang na ang mga school-related activities, Christmas parties, JS Prom, kapistahan ng bayan, at year-end parties ng mga tanggapan.
Nakikipag-ugnayan na ang Catanauan Water District sa Local Water Utilities Administration upang mapag-aralan ang pagtatayo ng bagong water source at rehabilitasyon ng mga linya ng tubig sa bayan, bilang paghahanda sa posibleng matinding kakulangan ng suplay.
- Latest
















