Lady rider nahagip ng tren, sugatan
MANILA, Philippines — Isang 27-anyos na babaeng rider ang nasugatan makaraang mahagip ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa PNR Crossing sa Bypass Road, Brgy. Bucal, Calamba City nitong Martes.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Abegail na humagis sa sinasakyang motorsiklo bunga ng insidente.
Sa report ng Calamba City Police, tumatawid sa railroad o may riles ang motorsiklong minamaneho ng biktima nang mahagip ng tren.
Bunga ng insidente ay humagis ng halos 3 metro ang biktima at nawalan ng malay tao sa tabi ng riles na mabuti na lamang at hindi siya nagulungan ng tren sa nasabing insidente.
Ang biktima ay mabilis namang isinugod sa isang pagamutan sa Los Baños City, Laguna para malapatan ng lunas.
Tuluyan namang nawasak ang motorsiklo na nakaladkad pa ng tren ng ilang metro.
- Latest


























