4 timbog sa tangkang kidnapping sa Cavite

SILANG, CAVITE, Philippines — Timbog ang apat na kalalakihan matapos mabigo sa tangkang pagdukot sa isang biktima sa Brgy. Maguyam, Silang, Cavite nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 11, 2026.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Ang,” “Al, “Ed,” at “Char,” pawang mga nasa hustong gulang.
Batay sa imbestigasyon, alas-2:15 ng hapon nang dumating ang mga suspek sa isang compound lulan ng isang puting van at nagpanggap na mga kustomer na naghahanap sa biktima.
Sapilitan umano nilang pinasok ang gusali at umakyat sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang biktima.
Nagawa namang makababa ng biktima upang humingi ng tulong, ngunit hinabol siya ng mga suspek, sapilitang hinawakan, at tinangkang isakay sa kanilang sasakyan.
Agad namang isinara ng security guard ang main gate ng compound kaya hindi nakatakas ang mga suspek. Agad humingi ng saklolo ang isang empleyado sa kalapit na detachment ng Cavite Provincial Mobile Force Company na agad rumesponde ang mga tauhan ng Silang Municipal Police Station.
Dahil sa maagap na aksyon ng mga pulis, matagumpay na nailigtas ang biktima at nasakote ang apat na suspek.
Narekober sa operasyon ang isang kalibre .45 na pistola na may walong bala, isang kalibre .38 na rebolber na kargado ng tatlong bala, isang patalim, at ang van na ginamit ng mga suspek.
Isasailalim ang mga suspek sa medical examination at inquest proceedings, habang dadalhin sa Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang armas at naka-impound ang sasakyan bilang ebidensya.
- Latest
















