Basilan RTC Judge, utas sa ambush
MANILA, Philippines — Pinaulanan ng bala at napatay ang isang hukom ng Isabela City, Basilan ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki habang lulan ng kaniyang behikulo sa naganap na ambush sa highway ng Brgy. Tumaga, Zamboanga City nitong Huwebes ng umaga.
Ang biktimang kinilalang si Regional Trial Court (RTC) Branch 2, Isabela City Presiding Judge Joseph Wee Sit ay sugatang isinugod ng rescue team sa pinakamalapit na pagamutan para malapatan ng lunas.
Sa inisyal na report ng Zamboanga City Police, kasalukuyang nasa loob ng kaniyang behikulo ang hukom na bumabagtas sa lugar nang paulanan ng bala ng mga armadong lalaki.
Nabatid na si Sit ay residente ng Justina Village, Brgy. Putik sa lungsod ng Zamboanga City.
Base sa imbestigasyon, matapos na pagbabarilin ang behikulo ng target ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga operatiba ng Zamboanga City Police upang matukoy ang motibo ng krimen at masakote ang mga suspect.
Sa tala, si Sit ay may mga hinahawakang high profile na kaso sa Isabela City RTC Branch 2 na isa sa sinisilip ng mga awtoridad na motibo sa pananambang sa hukom.
Sa kasalukuyan ay hindi pa masabi ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa nangyaring pananambang habang patuloy ang pangangalap ng mga ebidensya sa kasong ito upang agarang maresolba ang krimen.
- Latest

















