Grade 3 pinagtripan, binugbog ng 4 high school student!

MANILA, Philippines — Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang 9-anyos na mag-aaral sa Grade 3 matapos na mapagtripang bugbugin ng apat na high school students na mistulang sinapian ng diyablo sa Iligan City, Lanao del Norte, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ang biktima na kinilala lamang sa pangalang Jonard, estudyante ng Maria Cristina Falls Elementary School ay isinugod sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City at nasa Intensive Care Unit (ICU) bunga ng matinding pinsalang tinamo partikular na sa kaniyang ulo.
Ang insidente ay nag-viral sa social media kung saan mapapanood ang pagkuyog sa biktima ng mga sadistang
estudyante suspek at salitan ang ginawang suntok, tadyak at sipa sa bata nang walang kalaban-laban.
Sa kabila ng duguang nakahandusay na ang biktima, pinagtatadyakan at pinagtatapakan pa rin siya ng mga suspect na tuwang-tuwa pa sa kabilang ginagawang kabulastugan.
Sa ulat na nakalap ng Iligan City Police ang insidente ay naganap noong nakaraang linggo habang kumakain ng pananghalian ang bata nang bigla na lamang siyang mapagdiskitahan ng apat na pasaway na kabataang estudyante.
Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima at humihingi rin ng pinansyal na tulong para sa gastusin sa hospital ng bata.
Kinondena rin ni Iligan City Mayor Frederick Siao ang insidente na sinabing hindi niya ito palalampasin at nagpaabot na rin siya ng tulong sa pamilya ng biktima.
“I am deeply saddened and disturbed by the tragic incident involving a Grade 3 pupil of Maria Cristina Falls Elementary School, who is now fighting for his life in the ICU after being brutally attacked by a group of high school students,” anang alkalde na isang dating Kongresista.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang alkalde sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa kanilang lungsod upang imbestigahan ang karahasan sa nasabing paaralan.
- Latest

















