Vice mayor tinodas ng konsehal sa opisina!

MANILA, Philippines — Patay ang bise alkalde ng Ibajay, Aklan na si Julio Estolloso nang pagbabarilin ng isang konsehal sa loob mismo ng kanyang opisina sa Aklan.
Sa inisyal na report ng Aklan Provincial Police Offie, binaril at napatay ng Sangguniang Bayan member na si Mihrel Senatin si Vice Mayor Julio Estolloso ganap na alas-9:15 ng umaga nitong Agosto 8 gamit ang .9mm na baril sa loob ng tanggapan ng bise alkalde.
Iniulat naman ni Ibajay Aklan Municipal Police chief Rajiv Salvino na ang suspek ay agad naaresto sa kanyang bahay makaraan ang insidente.
Ayon kay Salvino, ang krimen ay nagsimulang maganap sa Sangguniang Bayan office nang hingin ni Senatin sa staff ang kopya ng lahat ng ordinansa na naipasa sa Ibajay sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Sa loob ng opisina, tinanong pa umano ni Senatin si Vice Mayor Estolloso kung ano ang kanyang nagawang kasalanan saka biglang inilabas ang kanyang armas at saka binaril sa kaliwang dibdib ang huli.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero naideklarang dead-on-arrival ng alas-10:23 ng umaga makaraang magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.
Sinabi ni Salvino na patuloy na pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang krimen at isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng bise alkalde.
Inaalam din ng pulisya kung may lisensiya ang baril na ginamit ng suspek at ang motibo sa krimen.
- Latest

















