Lider ng gunrunning syndicate, huli ng CIDG

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Arestado ang isang negosyanteng nagsisilbi umanong lider ng gunrunning syndicate habang nakaiwas sa pagkakaaresto ang kanyang kasabwat sa ikinasang buy-bust operation sa kahabaan ng Total Gasoline Station sa Maharlika Highway, San Bartolome, Sto. Tomas City, Batangas, ayon kay Major Michael Nathaniel Visco, Batangas-Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) provincial chief, kahapon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in the Philippines ang businessman na si Zandy Panganiban, 45, na tinaguriang lider ng kilabot na gunrunning group na nag-o-operate sa Calabarzon region sa tanggapan ng piskalya ng Batangas.
Ayon kay Visco, ang operasyon ay nag-ugat sa impormasyon mula sa mga asset ng pulisya, na ang grupong Panganiban ay sangkot umano sa mga aktibidad ng illegal na pagbebenta ng baril.
Bunga nito, nagsagawa ang mga intelligence officer ng CIDG-Batangas ng operasyon at nakipag-negosasyon sa nasabing grupo noong Biyernes ng umaga.
Habang tinatanggap ng suspek ang marked money kapalit ng hindi lisensiyadong mahabang baril sa isang police poseur buyer, agad siyang inaresto ng mga police back-up ng CIDG-Batangas noong Biyernes dakong alas-11:05 ng umaga.
- Latest
















