Taga-deliver ng marijuana, tepok sa bangga
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang motoristang maghahatid sana umano ng P20,000 na halaga ng marijuana sa isang kustomer nang makabundol ng kasalubong na motorsiklo sa Barangay Calumpang, General Santos City nitong madaling araw ng Biyernes.
Sa ulat ng General Santos City Police Office, napansin ng mga emergency responders ng local government unit ng naturang lungsod na may lamang apat na malalaking pakete ng marijuana ang bag ni Niño Francis Arellano Vitor na namatay matapos makabangga ng kasalubong na motoristang menor-de-edad sa Fil-Am Highway sa Purok Fernandez sa Barangay Calumpang.
Kilala umano si Vitor na dealer ng marijuana at target na sana ng isang entrapment operation ng pulisya sa darating na araw ng Linggo, ayon sa mga intelligence units na sakop ng Police Regional Office-12.
Nadeklarang dead-on-arrival sa pagamutan si Vitor kung saan siya isinugod ng mga pulis at mga kawani ng General Santos City Disaster Risk Reducation and Management Office na nagresponde sa aksidenteng naging sanhi ng kanyang pagkamatay at pagkasugat ng motoristang menor-de-edad na kanyang nabangga.
- Latest