Delta variant pasok na sa Bicol region
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Patuloy na ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 matapos na makapasok na rin ito sa Kabikulan.
Ayon sa Department of Health (DOH) Bicol Center for Health Development, ito ay matapos na lumabas noong Biyernes na dalawa sa mga specimen samples na ipinadala nila sa Philippine Genome Center ang nagpositibo sa Delta variant.
Agad nagpatawag ng emergency virtual press conference si Dr. Ernie Vera, regional director ng DOH-Bicol CHD at inanunsyo ang dalawang kaso ng Delta variant sa rehiyon. Ang isang pasyente ay mula sa Nabua, Camarines Sur habang ang isa sa Legazpi City.
Ang pasyenteng tinamaan ng Delta variant sa Nabua ay nakahawa pa sa kanyang tatay habang ang nagpositibo sa Legazpi City ay nakarekober na sa sakit at nakatakdang isailalim uli sa swab test.
Maliban sa Delta variant ay naunang nakalusot sa Bicol Region nitong Hulyo ang 11 kaso ng Alpha o UK variant (Camarines Sur, 7 kaso; Naga City, isa; Sorsogon City, isa; Masbate City, isa) at 22 kaso ng Beta o South African variant (Albay, 8 kaso; Camarines Sur, 8; Naga City, 4; Sorsogon, isa, Camarines Norte, isa).
- Latest