Totoy utas sa ligaw na bala
BULACAN , Philippines - Maagang kamatayan ang sinapit ng 10-anyos na lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa kanyang kapitbahay na umaawat sa kaguluhan sa Barangay Fatima I, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng hapon. Naisugod sa Sapang Palay District Hospital subalit namatay din ang biktimang si Alanis Mendoza ng Barangay Fatima III. Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Francisco Zapra, 61, ng San Pablo Street sa nasabing barangay. Sa pagsisiyasat ni PO2 Romeo Española, nagtalo ang anak ng suspek at pamangkin nito kung saan namagitan naman si Zapra. Gayon pa man, tumanggi naman ang nagkainitan sa pakiusap ng suspek na huminahon kaya ipinutok nito ang cal. 22 revolver sa sementadong kalsada. Tumalbog naman ang bala at tumama sa dibdib ng biktima na sinasabing naglalaro sa di-kalayuan.
- Latest