'Gupit-panty' sa mga estudyante pinareresolba
BAMBANG, Nueva Vizcaya , Philippines — Naglatag ng dragnet operation ang pinagsanib na puwersa pulisya at opisyal ng barangay laban sa maskaradong lalaki na tinaguriang “gupit-panty” na karamihang biktima ay mga estudyanteng dalaga sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Nabatid na sumasalakay ang misteryosong lalaki sa mga boarding house ng dalaga habang nasa kasarapan ng tulog at ginugupit ang suot nilang panty.
Ayon kay P/Senior Insp. Roberto Bongayon, hepe ng PNP Bambang, nag-umpisa ang gupit-panty noong 2004, subalit hindi ito ipinagbibigay-alam sa pulisya dahil sa nahihiyang lumantad ang mga biktima.
“Kadalasan ay nagaganap ang insidente sa tuwing pasukan, dahil kapag bakasyon ay tahimik naman at walang napapa-ulat,” pahayag ni Bongayon.
Naunang hiniling ni Nueva Vizcaya Gov. Luisa Lloren Cuaresma na imbestigahan ang insidente matapos mabalitaan na muling umatake ang kilabot na ‘gupit panty’ na pinaniniwalaang residente rin ng nasabing bayan.
Ayon kay Chairwoman Gloria La Corda ng Barangay Buag aabot na sa 10-dalaga ang nadale sa kanyang barangay maliban na lamang sa iba pang mga biktima na ayaw lumantad.
Nilinaw naman ni La Corda na hindi ginagahasa ng suspek ang mga biktima at hindi rin daw nagnanakaw ang mahiwagang suspek. Dahil dito, pinaigting ng pulisya ang pagpapatrolya sa iba’t ibang bahagi ng nabanggit na bayan lalo na sa bandang alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga.
- Latest
- Trending