May-ari ng aso, dedo sa helper na rider
MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang 36-anyos na lalaki nang ito ay barilin ng isang rider na sumaklolo sa isang bata na kinagat ng alagang aso ng una naganap sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente pasado hatinggabi sa 4th Street, Paco, Barangay 810.
Makikita sa kuha ng isang CCTV na may dalawang batang nagbibisikleta ang hinabol ng aso na pagmamay-ari ng biktima na kung saan ay nabuwal ang isa sa mga bata at bahagya itong nakagat ng aso.
Nagawa naman ng isang bata na makaakyat sa ibabaw ng isang kotse upang hindi siya maabot ng aso.
Dumating ang suspek, na nakamotorsiklo na napadaan sa lugar at tinulungan ang batang nakagat at dumating din ang mga barangay tanod para tumulong.
Pinuntahan nila ang may-ari ng aso upang impormahan ang pangyayari.
Nang maiwan ang suspek at biktima na bahagyang nakainom ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan.
Ayon sa tanod, tinangka umanong saksakin ng biktima ang suspek na napilitan bumunot ng baril at pinaputukan ito bago tumakas.
- Latest















