Wangkay naka-bronze sa YOG

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa 4th Youth Olympic Games nang kumana pa si Pi Durden Wangkay ng tansong medalya sa athletics competition na ginaganap sa Dakar, Senegal.
Buong puwersa ang inilatag ni Wangkay para matiyak na uuwi ito bitbit ang tanso sa men’s 200m final event.
Nagrehistro si Wangkay ng personal best na 21.36 segundo para makamit ang tansong medalya.
Malapit ito sa naitalang oras ni Ropafadzo Mizondo ng Zimbabwe na may dikit na 21.04 segundo para makuha ang ginto.
Nasiguro naman ni Deuquan Farrell ng Guyana ang pilak na medalya bitbit ang 21.36.
Sa kabila ng parehong oras, nakuha ni Farrell ang pilak laban kay Wangkay sa pamamagitan ng photo finish.
Nalampasan ni Wangkay ang national records sa U18 at U20 na 21.40 segundo na kanya ring naitala sa PATAFA Weekly Relays noong nakaraang buwan.
Aminado si Wangkay na hindi madali ang laban na kanyang hinarap lalo pa’t dikit-dikit ang oras sa semifinals pa lamang.
Hindi nito inaasahang makakapasok ito sa podium.
Nagtapos si Wangkay sa ikalimang puwesto sa semifinals taglay ang 21.96 segundo para makuha ang silya sa finals.
“Nakita ko pa lang sa oras dikit lahat. Dogfight yung ginawa namin kanina. So, to get to third place and almost getting second, masaya na po ako,” ani Wangkay.
Nakapuwesto si Wangkay sa lane 9 kung saan hindi ito sanay sa naturang puwesto.
Ngunit hindi ito nawalan ng pag-asa nang ilatag nito ang bagsik ng isang Pinoy para makuha ang podium.
“Nasa lane 9 po ako, I was running blind. Never po ako used to running blind pero I had to do what I do best, which is to always move forward,” ani Wangkay.
Ito ang ikalawang medalya ng Team Philippines kung saan una nang nakapilak si Naomi Cesar sa women’s 800m.
- Latest

















