Student Regent pasikat sa Summer Racingfest
MANILA, Philippines — Hindi binigo ng Student Regent ang mga liyamadista matapos nitong sikwatin ang panalo sa MMTCI Summer Racingfest Stakes Race 1 na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas kahapon.
Sinakyan ni Apoy Asuncion, hindi nito inapura na lumarga ang Student Regent, kinalma lang nito ang kabayo at pumuwesto sa hulihan sa kaagahan ng karera habang nasa unahan ang Sexy Bomb.
Nagpatuloy ang pamamayagpag sa unahan ng Sexy Bomb na ginabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the year awardee sa kalagitnaan ng karera kung saan ay lamang ito ng isa’t kalahating kabayo sa humahabol na Greatballs Of Fire.
Bakbakan sa tersero ang Materialists at Freedom Day ng biglang lampasan sila ng Student Regent at saka dinikitan ang Sexy Bomb at Greatballs Of Fire sa far turn.
Inagaw ng Greatballs of Fire ang bandera sa Sexy Bomb papalapit ng huling kurbada subalit malakas ang dating ng Student Regent kaya naman sa rektahan ay kinuha naman nito ang unahan.
Nirehistro ng Student Regent ang tiyempong 1:25.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning hirse owner na si Joseph Dyhengco ang P350,000 na premyo.
- Latest





















