Boatwright dapat makuha agad sistema ng Gilas--Cone
MANILA, Philippines — Aasa si head coach Tim Cone sa talento at kakayahan ni Bennie Boatwright na makaangkop agad sa sistema ng Gilas Pilipinas dahil sa kapos na oras nila para magsanay bago ang krusyal na Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Seremban, Malaysia.
Mauuna kasi ang buong Nationals sa Malaysia bukas habang sa Lunes pa darating si Boatwright mula sa China na magbibigay lang sa kanya ng 3 araw upang makapagsanay kasama ang koponan.
“Bennie may struggle a little bit, with what he’s supposed and how he’s supposed to do it. But He’s a talented guy. He lends a lot of talent to the team and size. He’s a welcome addition,” ani Cone.“We’re hoping his talent will win out on them.”
Manggagaling si Boatwright sa kampanya sa kanyang mother club na Fujian Sturgeons sa Chinese Basketball Association bago sumalang bilang bagong naturalized player ng Gilas kontra sa Syria at Iran sa Nobyembre 27 hanggang 29.
Hindi pa nakasama sa court ng Gilas si Boatwright kahit isang beses bagama’t matagal nang aprubado ang kanyang naturalization bill sa Kongreso.
At dahil sa kampanya sa China ay mapapaikli pa lalo ang kanyang ensayo sa koponan na siyang dapat masolusyunan nila Cone sa maiksing panahon.
Makakaakbay ni Boatwright sa Gilas sina Scottie Thompson, CJ Perez, Chris Newsome at Juan Gomez De Liaño mula sa PBA pati na ang mga Pinoy imports sa Japan B. Legue at Korea Basketball Association na sina Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Kai Sotto, AJ Edu, Mike Phillips, Quentin Millora-Brown at Rhenz Abando.
Kailangan ng Gilas ang mahalagang panalo kontra sa Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 upang makaangat sa ikalimang puwesto sa Group E hawak ang 4-4 kartada.
Parehong brackets kasama ang Group F ang papasok sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar.
- Latest

















