Aguilar, Standhardinger out sa Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines — Napilayan kaagad ang Gilas Pilipinas sa paghahanda nito sa paparating na 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers matapos ang inaasahang pagkawala ng dalawang pambato nitong big men.
Mismong si Gilas Pilipinas program director Tab Baldwin ang nagkumpirma na hindi muna makakasama ng Nationals sina Christian Standhardinger at Japeth Aguilar.
Ayon kay Baldwin, kasalukuyan pang nasa leg injury rehabilitation si Standhardinger, habang nasa honeymoon si Aguilar matapos na maudlot ito ng dire-diretso niyang paglalaro sa PBA at sa Gilas Pilipinas.
Kagagaling lang ni Standhardinger sa pagbuhat sa NorthPort sa makasaysayang semifinal finish sa 2019 PBA Governors’ Cup. Pinagwagian ng Ginebra ang naturang conference sa pangunguna ni Aguilar na siyang tinanghal na MVP.
Hindi na nakadalo pa si Aguilar sa unang pagsasanay ng Gilas kamakalawa sa Moro Lorenzo Gym sa Katipunan, habang nagpunta pa rin si Standhardinger upang personal na ipaalam kay Baldwin at Gilas head coach Mark Dickel ang kanyang injury.
Si Standhardinger sana ang magsisilbing naturalized player ng Gilas lalo’t nakipaghiwalay na ang koponan kay long-time reinforcement Andray Blatche habang si Aguilar ay maaasahang power forward simula pa ng Gilas Pilipinas pioneer program noong 2009.
At dahil hindi rin kasali sa pool si June Mar Fajardo na nadale lang ng fractured tibia injury kamakalawa lang, numipis lalo ang frontline ng Gilas dalawang linggo bago ang first window.
Posibleng maiwan kina Marc Pingris, Poy Erram at Troy Rosario ang responsibilidad sa ilalim para sa Gilas kasama ang No.1 overall pick na si Isaac Go na ipinahiram muna ng PBA sa Gilas upang magsilbing main core nito.
Bubuksan ng Gilas ang kampanya nito kontra sa Thailand sa Bangkok sa Pebrero 20. Dadayuhin naman sila ng Indonesia sa Pebrero 23.
Kasama rin nila ang South Korea sa Group A na sa ikalawang window pa sa Nobyembre nila makakaharap.
- Latest
















