Mayweather wala nang balak labanan si Pacquiao
MANILA, Philippines – Dapat nang itigil ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang kanyang pangarap na maitakda ang rematch nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Sinabi ni Mayweather na wala na siyang balak bumalik sa ibabaw ng boxing ring matapos magretiro noong Setyembre.
Kung babalik man siya sa boxing ay hindi malaking premyo ang kanyang magiging prayoridad.
“As of now, I am out completely. If I do get the itch to come back, it really won’t be for the money but I have to get paid. That’s why the nickname is Floyd ‘Money’ Mayweather,” sabi ng American world five-division titlist.
Tinalo ng 38-anyos na si Mayweather ang 33-anyos na si Pacquiao via unanimous decision noong Mayo 2.
Isinabit ni Mayweather ang kanyang boxing gloves matapos gibain si Andre Berto at pantayan ang all-time record na 49-0-0 win-loss-draw ring record ni heavyweight legend Rocky Marciano.
Muling lumitaw ang pangalan ni Mayweather sa idinaos na two-city press tour nina Pacquiao at Timothy Bradley, Jr. para sa kanilang pangatlong bakbakan sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Arum, kung muling tatalunin ni Pacquiao ang 33-anyos na si Bradley ay may posibilidad na pumayag si Mayweather sa isang rematch.
Sinabi ni Pacquiao na magreretiro para tumutok sa pulitika.
- Latest