Sinsilyo (176)
HALOS maubos ni Gaude ang mainit na aroskaldo.
“O sige pa. Ito pa. Ubusin mo na. Mabuti ito sa sikmura,” sabi ni Tata Kandoy at kinutsara ang natitira pang aroskaldo sa lalagyan. Isinubo kay Gaude.
Pagkatapos ay binuksan ang nakaplastic na tubig.
“Eto uminom ka. Alam ko, uhaw na uhaw ka!”
Tinungga ni Gaude ang tubig. Nang bitawan ang plastic na botelya at kalahati na ang laman. Uhaw na uhaw talaga.
Matapos uminom, unti-unti inayos ni Gaude ang pagkakaupo. Nagkaroon na ng bahagyang lakas. Unti-unting nagkaroon ng sigla.
“Ano ba ang nangyari sa mukha mo at puro pasa? Iyan pa ba ang mga suntok ni Mau sa’yo. Ginulpi ka niya di ba? Nalaman ko ang ginawa sa’yo.”
“Hindi po, Lolo. Bago na po ito.”
“O e sino ang bumugbog sa’yo?”
“Mga batang hamog po sa Recto.”
“Mga batang hamog?’’
“Opo. Mga batang gala. Pinagtulungan akong bugbugin isang gabi. Wala po akong nagawa dahil sa dami. Pagkatapos po akong bugbugin, kinuha ang backpack ko.’’
“Kaya pala puro pasa ka. Kawawa ka naman.’’
Napatungo si Gaude. Awang-awa sa sarili.
“Bakit ka naman, ginulpi?”
“Doon ko po sana balak humiga sa may malapit sa National sa Recto pero teritoryo pala ng mga hamog yun. Nang pumalag po ako, pinagtulungan ako.”
“Walang tumulong sa’yo?’’
“Wala po.’’
“Anong ginawa mo?”
“Kahit hinang-hina ako, pinilit kong maglakad hanggang sa makarating dito. Akala ko, mamamatay na ako.’’
“Kawawa ka naman.’’
“Mabuti at hinanap mo ako Lolo.’’
“Oo. Noon pa kita hinaha-nap. Kasi nga, naniniwala ako na wala kang kasalanan.’’
“Idiniin po ako ni Lolo Dune Kastilaloy, Lolo.’’
“Pati ni Lyka.’’
Napatungo uli si Gaude.
“Hayaan mo at igaganti kita.’’
(Itutuloy)
- Latest