'Viva Nazareno!': Aktor na si Mccoy de Leon nakayapak sumabak sa Traslacion
MANILA, Philippines — Bagama't kilalang Kapamilya actor, tila walang kaarte-arteng ininda ni Mccoy de Leon ang hirap ng pagdalo sa pista ng Itim na Nazareno ngayong 2024.
Sa isang paskil sa Instagram nitong Martes, makikita ang ilang litrato at video ng dating "Pinoy Big Brother" contestant kasama ang mahigit 6.5 milyong doboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
"'Nasaan na siya(Poong Nazareno)?' Yan ang linya lagi para makita mo siya at nung oras na nakita ko siya't mahawakan ulit matapos ng maraming taon, wala ako masabi kundi 'Salamat Poong Nazareno,'" sambit niya sa post kahapon.
"Tanging nasa isip ko lang nung kaharap ko siya ang mga mahal ko sa buhay at ang pamilya ko."
Kitang-kita kung paano nakipagsiksikan ang aktor sa Basilica ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila makalapit lang sampu ng mga kapwa mananampalaya sa imahen.
Kitang-kita rin kung gaano karumi ang paa ng aktor sa isang litrato kasama ang kanyang anak — bagay na tipikal gawin ng mga deboto tuwing idinaraos ang naturang kapistahan sa Maynila.
Matatandaang tatlong taong naantala ang pisikal na pagdiriwang ng Traslacion, dahilan para dagsain ang imahen nang maraming debotong Katoliko kahapon.
"Sa mga kapatid ko na deboto saludo ako sa tindi ng pananampalataya niyo walang nagbabago. Viva Poong Nazareno!" patuloy niya pa.
Taun-taong dinaragsa ang nasabing pagtitipon bago manalasa ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas dahil na rin sa pananampalataya kay Hesukristo.
Marami sa mga deboto ng Itim na Nazareno ay naniniwalang milagroso ang imahen, bagay na nakapagpapagaling diumano ng kung anu-anong karamdaman.
Kasalukuyang bahagi ng television series na "FPJ's Batang Quiapo" si De Leon, na siyang gumaganap bilang iisa sa mga kontrabida.
Maliban kay Mccoy, naiulat ding dumalo ang singer-actress na si Angeline Quinto sa Quiapo kagabi. Pagbabahagi niya, plano niyang ilapit din ang panata sa anak na si Sylvio sa susunod na taon.
- Latest