Coco kinalimutan na ang away kay Matteo
Noong isang linggo ay lumabas si Matteo Guidicelli sa telebisyon para humingi ng pasensya o tawad kay Coco Martin dahil sa naganap na alitan sa kanila sa nakaraang Star Magic Ball. Sangkot sa nasabing insidente si Maja Salvador.
Sa unang pagkakataon naman ay hinarap na rin ni Coco ang isyu at nagbigay na siya ng pahayag tungkol dito.
“Maayos naman, sabi ko nga kumbaga sila na ’yung nagbukas ng pinto para magkaayos kami at sila na ’yung nagpakumbaba. Ako rin po, hinihiling ko na matapos na rin ito at magkaayos na rin kami,” sagot ng aktor.
Dagdag pa ni Coco, kinalimutan na niya ang nangyaring hindi maganda sa kanila ni Matteo at umaasang magkakaayos na silang dalawa. “Alam ko maaayos din ito one of these days. Masaya ako, parang willing namang mag-ayos ’yung bawat panig at tahimik naman kami pare-pareho,” sabi pa ni Coco.
Wala rin problema sa aktor kung sakaling mabibigyan siya ng pagkakataon na makasama sa isang proyekto sina Matteo at Maja.
Samantala, kakaalis lamang ni Coco sa bansa para sa One Kapamilya Go at teleserye tour sa Amerika. “Iniimbitahan namin kayo sa aming teleserye tour sa Hawaii sa September 30, sa Union City sa October 2, sa New York City sa October 7, October 8 po nasa San Diego kami, at October 9 nasa Alaska po,” balita ni Coco.
Paano na si KC?, Piolo tuloy na naman sa pagbiyahe sa abroad
Hindi pa rin matigil-tigil ang kontrobersiya sa relasyon nina Piolo Pascual at KC Concepcion. Kamakailan ay sobrang pinag-usapan ang estado ng dalawa dahil dumaan sa pagsubok ang kanilang relasyon pero naayos namang muli ito. May mga nagsasabi na hanggang ngayon ay hindi pa talaga okay ang relasyon nina KC at Piolo.
“Siyempre hindi natin maalis ’yun. Ano mang sabihin ng tao, bahala na, basta alam ko okay kami. Basta nairaos din namin ’yung Star Magic Ball, for three consecutive years siya ’yung kasama ko. Malaking kapanatagan sa akin ’yun. Kung anuman iniisip ng tao, bahala na sila,” seryosong pahayag ni Piolo.
Binigyan pa ng aktor si KC ng alahas bilang pasasalamat at simbulo ng kanyang pagmamahal sa dalaga. “It’s just a token bilang babae, masarap ’yung napapaligaya ka. Tinanggap ng buung-buo kaya happy ako,” dagdag pa ni Piolo.
Magiging abala na ang aktor ngayon sa abroad para sa kanyang album tour sa buong Asya. Mawawalan kaya ng komunikasyon o oras sina Piolo at KC sa isa’t isa?
“Trabaho ’yun, basta may oras naman. Hindi naman mawawala ’yun. Start na rin siya ng soap niya. Excited for her, workaholic din,” giit pa ni Piolo.— Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest