‘Mega shabu lab’ winasak ng PDEA
Pagkatapos ng 8-taon
Virac, Catanduanes, Philippines — Makalipas ang walong taon, tuluyan nang sinira kahapon ng mga opisyal at kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 5 ang lahat ng mga nadiskubreng instrumento, equipment sa paggawa ng shabu at mismong laboratoryo at warehouse na ni-raid noong 2016 sa Brgy. Palta Small, ng bayang ito.
Sinaksihan mismo ang pagsira ng binansagang “mega shabu laboratory” ni Department of Justice (DOJ) assistant secretary Elisio Cruz, mga kinatawan ng Makati Regional Trial Court kung saan patuloy na dinirinig ang kaso laban sa inakusahang mga suspek, public attorneys office at iba pang ahensya.
Gamit ang backhoe, acytelene, maso at iba pa ay pinangunahan nina PDEA 5 regional director Edgar Jubay katuwang ang PRO5 sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon at iba pang ahensya ng pamahalaan ang pagsira ng buong laboratoryo matapos na iutos ng Makati Regional Trial Court Branch 63 ang destruction nito lalo na ang gusali na nakatayo sa loob ng 40-ektaryang agricultural lot upang hindi na magamit muli sa paggawa ng shabu at iba pang uri ng iligal na droga.
Aabutin umano ng dalawa hanggang tatlong araw bago masira ang mismong gusali ng laboratoryo at warehouse.
Ang naturang shabu lab na itinuturing na pinakamalaking laboratoryo sa paggawa ng droga sa bansa ay ni-raid ng mga kasapi ng PDEA katuwang ang Police Drug Enforcement Unit, NBI at iba pang law enforcement unit noong 2016 kung saan nabawi ang bilyong pisong halaga ng shabu, kemikal sa paggawa ng droga, at iba’t ibang instrumento.
- Latest