Teamwork sandata ng Crossovers
MANILA, Philippines — May tatlong laro pa ang Chery Tiggo sa elimination round para sa tsansang makapasok sa semifinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Tabla sa fourth place ang Crossovers at Petro Gazz Angels sa magkatulad nilang 6-2 kartada sa ilalim ng Choco Mucho Flying Titans (8-1), PLDT High Speed Hitters (7-1) at nagdedepensang Creamline Cool Smashers (7-2).
Ang mga natitirang kalaban ng Chery Tiggo ay ang PLDT, Akari (4-5) at sibak nang Galeries Tower (3-6).
“Siyempre po back to training, lahat pagtatrabahuhan,” sabi ni open spiker Eya Laure sa Crossovers na sumasakay sa isang four-game winning streak.
“So itong mga nakikita ninyo, result na ito. Pero sa training din kami nagpupukpukan, doon namin tinatama ‘yung mga mali namin, ‘yung mga pagkukulang namin, para pagdating sa laro madali na lang, sabi nga ni coach Kungfu Reyes,” dagdag ng 25-anyos na si Laure.
Huling naging biktima ng Chery Tiggo ay ang Cignal HD, 26-24, 25-20, 26-24, noong Huwebes.
Sa nasabing panalo ay bumanat si Laure ng 16 points mula sa 11 attacks, dalawang kill blocks at tatlong service aces bukod pa sa 13 excellent receptions.
Hinirang si Laure bilang PVL Press Corps Player of the Week.
Tinalo ng produkto ng University of Santo Tomas para sa weekly citation sina Alyssa Valdez ng Creamline, Royse Tubino ng Choco Mucho, Ivy Lacsina ng Nxled, Kiesha Bedonia ng PLDT, Dindin Santiago-Manabat ng Akari at France Ronquillo ng Galeries.
- Latest