Baltazar ‘di makakalaro sa KBL
MANILA, Philippines — Pinatawan si Justine Baltazar ng dalawang taon na ban ng Korean Basketball League (KBL) matapos mabigong makakuha ng mga kinakailangang dokumento para sa paglalaro niya sa naturang liga.
Maglalaro sana si Baltazar para sa KBL team na Samsung Seoul Thunder.
Matapos maplantsa ang negosasyo ay agad binigyan si Baltazar ng mga kailangan nitong gawin para makapunta sa South Korea.
Kabilang na rito ang pag-aayos ng visa na inisyal na kailangan para makapasok sa Korea.
Subalit base sa imbestigasyon ng KBL disciplinary committee ay walang isinumiteng dokumento ang kampo ni Baltazar sa Korean Embassy.
Dahil dito ay nagpasya ang pamunuan ng KBL na patawan siya ng two-year ban.
Hindi makalalaro si Baltazar sa anumang KBL team sa taong 2023 at 2024.
Posibleng isa sa mga dahilan ng pagkakaantala ng pag-aasikaso sa visa ni Baltazar ang paglalaro nito para sa Strong Group sa 32nd Dubai International Basketball Championship sa Dubai, United Arab Emirates.
Doble dagok ito para kay Baltazar na naglaro para sa Hiroshima sa Japan B.League.
Ngunit ini-release agad si Baltazar ng Japanese team noong Disyembre.
Wala pang statement ang kampo ni Baltazar sa desisyon ng KBL.
Hindi pa rin malinaw kung saan na maglalaro si Baltazar habang wala pa itong bagong team na lalaruan sa abroad.
- Latest