Bay Area swak sa semis
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na dinakma ng No. 1 Bay Area ang unang semifinals ticket matapos gibain ang No. 8 Rain or Shine, 126-96, sa quarterfinals ng 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagposte si Hayden Blankley ng career-high na 47 points at may 32 markers si 6-foot-10 import Andrew Nicholson sa pagsibak ng Dragons, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage, sa Elasto Painters.
Lalabanan ng Bay Area sa best-of-five semifinals series ang mananaig sa quarterfinals duel ng San Miguel at Converge.
Aminado si Dragons’ coach Brian Goorjian na mahihirapan sila sa Beermen kung sila ang magtatapat sa semis.
“This is not the same San Miguel team that we saw in the regular season with (Terrence) Romeo in the team now, the big fellow (June Mar Fajardo) back and their overall depth. It’s gonna be a real challenge for us,” ani Goorjian.
Pipilitin ng Beermen na isara ang quarterfinals war nila ng FiberXers sa Game Two ngayong alas-6:45 ng gabi matapos ang 114-96 panalo sa Game One noong Miyerkules.
Kinuha ng Bay Area ang 27-16 abante sa first period bago nakalapit ang Rain or Shine sa 40-49 sa second quarter.
Ngunit isang 11-4 bomba ang inihulog ng Dragons para tuluyan nang iwanan ang Elasto Painters sa halftime, 60-44.
Pinamunuan ni Rey Nambatac ang Rain or Shine sa kanyang 19 points kasunod ang 15 markers ni import Ryan Pearson.
Sa ikalawang laro, pinatalsik ng No. 2 Magnolia ang No. 7 Phoenix, 102-95, papasok sa semis.
Umiskor si Calvin Abueva ng 19 points at humakot si import Nick Rakocevic ng 18 markers at 13 rebounds para sa Hotshots.
- Latest