Balipure, power smashers agawan sa liderato
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - May 2, 2017 - 12:00am

MANILA, Philippines - Target ng BaliPure, Po­wer Smashers at Perlas na makuha ang ikala­wang sunod na panalo sa pag­papatuloy ng Premier Volleyball League Reinforced Confe­rence ngayong ha­pon sa The Arena sa San Juan City.

Magtutuos ang Purest Water Defenders at Power Smashers sa alas-4 ng hapon na susundan ng duwelo ng Perlas at Philippine Air Force sa alas-6:30 ng gabi.

Magkakasalo sa una­han ng standings ang BaliPure, Power Sma­shers at Perlas hawak ang pare-parehong 1-0 marka matapos patumbahin ang kani-kanilang paboritong karibal sa opening day no­ong Linggo.

Ginulantang ng Pu­rest Water Defenders ang All-Filipino Conference runner-up Lady Jet Spi­kers sa pamamagitan ng 21-25, 25-19, 25-19, 25-21 panalo kung saan bumida si three-time NCAA MVP Grethcel Soltones na humataw ng 16 puntos.

Sa kabila ng panalo, hindi pa rin kuntento si BaliPure head coach Roger Gorayeb sa ipinamalas ng kanyang bataan at umaasa ito na mas magiging solido ang kanilang galaw sa kanilang mga susunod na laban.

“Ganun siguro talaga sa simula. Nagkakapaan pa ang mga players pero sana mas solid na kami sa susunod na mga laro namin,” ani Gorayeb.

Maliban kay Soltones, sasandalan din ng BaliPure sina Aiko Urdas, Risa Sato, Jerilli Malabanan, Jorelle Singh at setter Jasmine Nabor.

Mainit din ang simula ng Power Smashers nang pataubin nito ang nagdedepensang Pocari Sweat sa iskor na 25-9, 25-22, 25-23.

Muling mamanduhan nina Regine Arocha, Jovielyn Prado at Dimdim Pacres ang Power Smashers kasama sina Andrea Marzan at Katherine Villegas.

Sa kabilang banda, na­mayani ang Perlas sa paboritong Creamline, 23-25, 25-22, 25-19, 25-21.

Naasahan ng Perlas si dating Ateneo standout Dzi Gervacio na umiskor ng 17 puntos kabilang ang isang facial kay Alyssa Valdez.

Kumukuha rin ng la­kas ang Perlas kina Amy Aho­miro, Kara Acevedo, Sue Roces, Jem Ferrer at libero Ella De Jesus.

Tatapatan naman ito ng Lady Jet Spikers sa pa­ngunguna nina Joy Cases, Jocemer Tapic, Mae Antipuesto, Iari Yongco, Wendy Ann Semana at Mary Ann Pantino.

BALIPURE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with