Foton mapapalaban agad sa Petron sa opening ng PSL Grand Prix Conference
MANILA, Philippines - Mapapalaban agad ang reigning Grand Prix champion Foton sa pagsisimula ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix Conference sa Oktubre 8.
Makakaharap ng Tornadoes ang Petron Tri-Activ Spikers sa alas-3 ng hapon habang makikipagtuos naman ang All-Filipino Conference titlist F2 Logistics sa Generika sa unang laro sa alas-12:30 ng tanghali.
Mataas ang moral ng Tornadoes na galing sa impresibong kampanya sa Asian Women’s Club Championship na ginanap sa Biñan, Laguna kung saan tumapos ito sa ikapitong puwesto.
Solido rin ang lineup ng Foton na babanderahan ng American imports na sina Ariel Usher at Lindsay Stalzer na siyang itinanghal na MVP noong nakaraang taon.
Nadagdagan pa ang lakas ng Tornadoes dahil nakuha nito ang serbisyo ni Dindin Santiago-Manabat na dinala ang Petron sa ilang kampeonato sa nakalipas na edisyon bago magpasyang magpahinga dahil sa pagbubuntis.
Isang reunion din ito para kay Dindin dahil makakasama nitong muli ang kanilang nakababatang kapatid na si Jaja Santiago na itinuturing na pinakamalakas na Pilipinang volleyball player sa kasalukuyan.
Hahataw din para sa Foton sina Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, EJ Laure, Cherry Ann Rondina at Bia General.
Sa kabilang banda, mgalalatag ang Petron ng bagong mukha sa pangunguna nina middle blocker Serena Warner at open spiker Stephanie Niemer na beterano ng mga kumpetisyon sa France, Puerto Rico at Azerbaijan.
Tatayo ring bagong head coach si Shaq Delos Santos na siyang pumalit kay George Pascua.
- Latest