Philippine Open 10-ball Championship, Reyes pinatumba si Adolfo; Pacman sumargo kay Plunkett
GENERAL Santos City, Philippines – Tinalo ng maalamat na si Efren “Bata” Reyes ang kanyang nakalaban, habang minalas agad ang Pambansang Kamao at nagpapalaro na si Manny Pacquiao sa pagbubukas ng Philippine Open 10-Ball Championship sa SM City Mall dito.
Ang 60-anyos na si Reyes ay ginamit ang kanyang malawak na karanasan para madaling lusutan si Jerome Adolfo, 9-2, para umabante sa winner’s group sa pa-bilyar ni Pacquiao na maglalaan ng $150,000.00 premyo.
Sumalang din agad sa aksyon ang Kongresista ng Sarangani Province na si Pacquiao pero hindi kumapit ang suwerte sa pambato ng bansa sa boksing at naisuko ang 9-8 kabiguan kay John Plunkett ng USA.
Lamang si Pacman sa 8-7 pero nagtala siya ng mga unforced errors sa sumunod na dalawang racks para malaglag sa loser’s group.
“This single victory feels like a million,” bulalas ni Plunkett matapos ang labanan.
Pinangatawanan din ni Mika Immonen ang pagiging isa sa paborito sa torneo nang kalusin si John Salazar, 9-2, habang si Ahmad Taufiq ng Brunei ay nagwagi kay John Bautista, 9-2.
Si John Morra ng Canada ay nanalo kay Mohammad al-Shamari, 9-4, habang ang iba pang Pinoy na umabante sa winner’s side ay sina Leo Bayet, Godofredo Ducanes, Archie Padal, Benjie Guevarra, John Rebong, Johann Chua at Christian Gariando.
Kasali rin si Shane Van Boening ng USA at siyang inilagay bilang top seed ng torneo.
Nasa 120 ang bilyaristang sumali sa palaro ni Pacquiao bilang bahagi ng kanyang paggunita ng ika-36th Kaarawan sa Disyembre 17.
- Latest