Bulldogs humirit ng ‘do-or-die’ sa Final 4
Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. FEU vs La Salle (Final Four)
MANILA, Philippines - Bagama’t nasayang ang itinayong 15-point lead sa fourth quarter ay nakabalik pa rin sa kanilang porma sa dulo ng laro ang Bulldogs para pumuwersa ng ‘do-or-die’ laban sa ‘five-peat’ champions na Blue Eagles.
Nagsalpak si guard Angelo Alolino ng dalawang krusyal na free throws, habang tumipa si Nigerian import Henri Joel Betayene ng split para ipreserba ang 78-74 panalo ng No. 4 National University laban sa No. 1 Ateneo De Manila University sa Final Four ng 77th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bitbit ng Blue Eagles, tinalo ng Bulldogs sa pang-limang sunod na pagkakataon sa loob ng dalawang seasons, ang ‘twice-to-beat’ advantage at maaari pang makapasok sa UAAP Finals kung mananalo sa Miyerkules.
Matapos kunin ng NU ang isang 15-point lead, 68-53, sa 8:04 minuto sa final canto, nagtuwang naman sina Kiefer Ravena, Chris Newsome at Alfonzo Gotladera para idikit ang Ateneo sa 63-68 sa huling 2:37 minuto ng laro.
Huling nakalapit ang Blue Eagles sa 74-75 mula sa salaksak ni Ravena sa natitirang 23 segundo.
Kasunod nito ay ang mga charities nina Alolino at Betayene para sa panalo ng Bulldogs.
Tumapos si Jhay Alejandro na may 20 points para pamunuan ang NU kasunod ang 16 ni Alolino, 12 ni Glenn Khobuntin at 11 ni import Alfred Aroga.
Humugot naman si Ravena ng 15 sa kanyang game-high na 24 markers sa fourth quarter para sa Ateneo, habang may 14 si Chris Newsome. (RC)
NU 78 - Alejandro 20, Alolino 16, Khobuntin 12, Aroga 11, Rosario 6, Diputado 5, Javelona 4, Neypes 2, Betayene 2.
Ateneo 74 - K. Ravena 24, Newsome 14, Elorde 12, Pessumal 7, Capacio 6, Tolentino 6, Gotladera 3, T. Ravena 2.
Quarterscores: 24-14; 44-32; 60-50; 78-74.
- Latest