Batang Gilas kailangang humataw vs China
MANILA, Philippines - Kailangang ilabas na ng Batang Gilas ang lahat ng arsenal ngayon dahil katapat nila ang nagdedepensang kampeon China sa FIBA Asia Under-18 Championship sa Al-Gharafa Gym sa Doha, Qatar.
Kagabi sinimulan ang second round at ang Pilipinas na tumapos taglay ang. 1-1 sa Group B ay nasa ikatlong puwesto sa Group E kasama ang China (2-0), South Korea (2-0), Malaysia (1-1), Qatar (0-2) at Jordan (0-2).
Habang isinusulat ang balitang ito ay kalaban ng Batang Gilas ang Qatar at paboritong manalo.
Huling laro ng Pilipinas sa second round ay laban sa Malaysia sa Linggo.
Ang Pilipinas ang dating hari ng kompetisyon at dinomina ng bansa ang unang limang edisyon (1970, 1972, 1974, 1977 at 1978) at noong 1982.
Pero napag-iwanan na ang Nationals ng China na may 10 titulo na kasama ang pangunguna sa huling dalawang edisyon (2010 at 2012).
- Latest