EDITORYAL - Huwag mag-deploy ng OFWs sa Kuwait
Tama lamang ang pasya ng Department of Migrant Workers (DMW) na huwag magpadala ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait hangga’t hindi lubusang nakakamit ang hustisya kay Jullebee Ranara. Sabi ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac, bagamat nahatulan na ng 15 taong pagkakabilanggo ang tinedyer na killer ng OFW, nananatiling suspendido ang deployment ng OFWs sapagkat maghahain pa ng civil action ang Pilipinas laban sa mga magulang ng killer. Kapag natapos na ang usapin na ito saka lamang masasabi na nakamit na ni Ranara ang hustisya at maari nang alisin ang deployment ban.
Nasa tamang landas ang ginagawa ng DMW. Nararapat na makamit ang buong hustisya para kay Ranara. Kung hindi magmamatigas, maaaring maulit ang nangyari at baka mas malagim pa.
Karumal-dumal ang nangyari kay Ranara noong Enero 28, 2023. Ginahasa siya at nabuntis ni Turki Ayed Al-Azmi, 17. Pagkatapos, pinatay siya, sinunog ang bangkay at inilibing sa disyerto. Naaresto naman agad ang tinedyer at ikinulong.
Ang pagpatay kay Jullebee ang naging dahilan kaya ipinatigil ng pamahalaan ang pagpapadala ng household workers sa Kuwait.
Makalipas ang siyam na buwan makaraang patayin si Jullebee, lumabas na ang desisyon ng Kuwait court na 15 na taong pagkakabilanggo ang rapist-killer. Masasabing mabilis ang paglilitis sa akusado subalit hindi makatarungan ang hatol na 15 taong pagkakabilanggo lamang. Masyadong magaan ang parusa.
Nagimbal ang mga kaanak ni Jullebee nang makaabot sa kanila ang balita na 15 taon lamang ang hatol sa rapist-killer. Ayon sa pamilya ni Jullebee, habambuhay na pagkakabilanggo ang inaasahan nilang igagawad. Magaan ang parusa at wala man lang kabayaran para sa moral damages ng biktima.
Hindi lamang si Ranara ang karumal-dumal na pinatay sa Kuwait. Noong 2017 pinatay din si Joanna Demafelis at inilagay ang bangkay sa freezer. Noong 2018, pinatay si Constancia Dayag at noong 2019, pinatay naman si Jeanelyn Villavende.
Huwag munang magpadala ng OFWs sa Kuwait hangga’t hindi nasisiguro ang kanilang proteksiyon sa nasabing bansa. Dapat magkaroon ng kasunduan bago tuluyang alisin ang deployment ban sa Kuwait. Hindi lang naman Kuwait ang maaaring pagtrabahuhan ng mga Pinoy. Marami pang bansa na gumagalang sa karapatan ng OFWs at hindi nang-aabuso.
- Latest