^

PSN Opinyon

VP Sara pumalag

AKSYON NGAYON - AL G. Pederoche - Pilipino Star Ngayon

Tinawag ni Vice President Sara Duterte ang mga kongresistang sumusuporta sa paglilitis sa kanyang amang si dating Presidente Rodrigo Duterte ng International Cri­minal Court (ICC) na “mapanlait sa sarili nating hudikatura”. Sabi nga sa Ingles, by sudden twist of faith, dumami ang mga lawmakers na pumapabor na arestuhin ang dating Presidente upang siyasatin at litisin ng ICC sa kasong extra judicial killings sa mga sangkot sa ilegal na droga nang ito ay Presidente pa.

Bumuo ng resolution ang mga mambabatas sa Maba­bang Kapulungan na humihikayat sa pamahalaan na maki­pagtulungan sa ICC sa pagsisiyasat sa crime against humanity na ikinakaso sa dating Presidente. Napakalayo nito sa dating posisyon ng nakararami na kung may kaso mang dapat harapin si Duterte, dapat korte sa Pilipinas ang humawak nito. Hanggang ngayon, iyan pa rin ang pani­nindigan ni Presidente Marcos.

Ganyan ang pulitika. Marami kang kakampi kapag nasa poder ka, na maglalaho kapag wala ka nang kapangya­rihan. Sabi nga, it’s good while it lasts. Kaya ang sino mang leader ay dapat maging maingat sa mga ginagawa at baka kapag wala na siya sa puwesto ay buweltahan siya ng kanyang mga nasagasaan.

Presidente pa ng bansa si Duterte nang opisyal na kumalas ang Pilipinas bilang kasapi ng ICC nang nabalita­ang balak siyang arestuhin. Akala niya marahil ay mawawala ng poder ang ICC sa kaso kung hindi na miyembro ang ating bansa.

Pero kahit hindi na tayo kasapi ng ICC, isinusulong pa rin ng ICC ang balak nito kahit pa nagpahayag na ng pag­tutol­ si Presidente Bongbong Marcos dahil mayroon naman daw tayong hudikaturang puwedeng lumitis kay Duterte. None cooperation ang paninindigan ni Marcos sa issue­. Ibig sabihin, kung ituloy man ng ICC ang pagdakip kay Duterte, walang masamang kooperasyon mula sa pamahalaan.

Taon 1998 nang buuin ang ICC at kasama ang Pilipinas sa 128 bansang unang miyembro nito. Saklaw ng ICC ang mga kaso ng sinumang gumawa ng krimen na may dagok sa komunidad ng mga bansa. Kasama riyan ang genocide, war crimes at pang-aabuso ng mga leader na maituturing na paglabag sa karapatang pantao.

May poder ang ICC na ipaaresto ang sino mang personalidad, kahit pa leader ng bansa na sangkot sa mga naturang krimen. Ngunit sabi ng mga tumututol sa pag-aresto mg ICC kay Duterte, kasama na riyan ang Bise Presidente na anak niya, malaking insulto ito sa ating sariling hukuman.

Kung magkagayon, dapat magharap na lang ng kaukulang demanda sa ating mga lokal hukuman at doon litisin ang dating Presidente.

vuukle comment

ICC

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with