^

PSN Opinyon

Sakripisyo sa tagumpayng Pinay DH sa London

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

May mga overseas Filipino worker lalo na iyong nagtatrabaho bilang domestic helper na isinasama ng kanilang mga amo sa pangingibang-bansa ng mga ito. Kalimitan, pumapa-yag na lang sumama ang OFW sa iba’t ibang kadahilanan kahit hindi iyon nakasaad sa kanilang orihinal na kontrata sa trabaho. Meron sa kanila na naging mabuti naman ang kalagayan at meron ding naging kaawa-awa lang at naaabuso sa nalipatan nilang bansa.

Isang halimbawa rito si Mary, isang 55-anyos na Pilipinang nagtatrabaho bilang domestic worker sa isang mayamang pamilya sa London sa Inglatera. Ang buhay niya ay isang kuwento ng tagumpay, ayon sa isang artikulo ni Margaret Simons sa The Guardian kamakailan, pero malaki ang kanyang isinakripisyo rito. Sa pamamagitan ng pagtatrabaho niya bilang kasambahay sa ibayong-dagat, nakapagtapos ng pag-aaral ang tatlo niyang anak. Isa na nga-yong titser ang anak niyang babae habang ang dalawa niyang anak na lalake ay nagtatrabaho sa IT at civil engineering. “Ito ang tagumpay ko sa buhay,” sabi ni Mary sa Ingles. “Mas magiging maganda ang buhay nila kumpara ng sa akin.”

Ayon kay Simons, hiniling ni Mary na huwag gamitin ang tunay nitong pangalan dahil natatakot ito sa magiging reaksyon ng mga amo nito.

Sa isang prestihiyosong apartment malapit sa Kensington High Street sa London nakatira ang pamilyang pinaglilingkuran ni Mary. Mga senior corporate executive na napakataas ng mga sahod ang mga magulang ng dalawang batang ina-alagaan niya. Pero minimum lang ang sahod niya bilang domestic worker na £10.42 kada oras para sa walong oras kada araw pero kadalasang umaabot sa 12 oras ang kanyang trabaho. Kailangan niyang manatiling gising at hintaying makauwi ang mag-asawa niyang amo kahit hanggang madaling araw. Walang katiyakan kung babayaran siya sa ekstrang oras ng kanyang trabaho. Sinubukan niyang ungkatin sa mga amo niya ang hinggil sa kanyang sahod pero, bilang sagot, pinapaalala nila sa kanya na sinagot nila ang legal fees para paulit-ulit na ma-extend ang kanyang visa at tumagal siya sa London nang 10 taon na sa kasalukuyan. Totoo naman, kung hindi sila kumuha ng magaling na abogado, matagal na siyang napauwi sa Pilipinas.  Sila rin ang nagbabayad ng kanyang pamasahe kapag magbabakasyon siya sa Pilipinas.

Kung pakakawalan naman ng pamilya si Mary, kailangan niyang umalis sa United Kingdom (na sumasaklaw sa Ing-latera) o tulad ng ginawa ng ibang marami niyang kaibigang Pinay DH doon, maging illegal at undocumented sa England na magiging dahilan para madali siyang mapagsamantalahan, makasuhan at ma-deport.

Isinama si Mary sa London noong 2014  ng kasalukuyan niyang mga amo pagkaraang ng isang taong pagtatrabaho niya sa mga ito sa Hong Kong. Pero tumagal nang apat na taon ang problema niya sa visa kabilang ang mga apela sa korte. Gabi-gabi siyang umiiyak dahil sa stress. Kung aalis siya, kailangan niyang bumalik sa Pilipinas kahit wala pa siyang naiipon o seguridad na mangangahulugang babalik siya sa karalitaan. Nare-“renew” naman ang kanyang visa tuwing ikalawa’t kalaha-ting taon pero depende ito sa pananatili niya sa bahay ng kanyang mga employer. Dahil umaasa siya sa kanyang mga amo, nagiging mahirap para sa kanya na humingi ng umento sa sahod.

Ayon sa artikulo ni  Simons sa The Guardian, maraming domestic worker na Pilipina na dumarating sa United Kingdom nang kasama ng kanilang mga amo at pamilya ng mga ito na nagmula sa Middle East o Southeast Asia. Sa pribadong bahay ng kanilang mga amo, madali silang naaabuso. Napakahaba ng oras ng trabaho at imposibleng mapatnubayan ang kondisyon nila sa trabaho. Inaasahan silang mauutusan kahit anong oras nang walang time off, malimit na walang ekstrang bayad. Kung ite-“terminate” ng kanilang amo ang kanilang kontrata, wala silang gaanong proteksyon.  Mapipilitan silang umuwi sa Pilipinas o maging illegal sa Inglatera.

Isinilang si Mary sa isang liblib na lugar sa Antique rito sa Pilipinas noong 1968. Sa edad na anim na taong gulang, nagtrabaho si Mary bilang tagalinis sa isang babuyan. Sa edad na 29 anyos, una siyang nagtrabaho bilang katulong sa Taiwan noong 1996. Naiwan sa Pilipinas ang kanyang mga anak at asawa niya na may kakarampot na sahod bilang guwardiya. Karamihan ng kanyang suweldo ay napupunta sa pagbabayad sa utang niya sa employment agency na nagpadala sa kanya sa ibang bansa. Ang iba ay para sa pagkain ng kanyang pamilya. Noon namang 2003, nakakuha siya ng trabaho sa Hong Kong. Nagpalipat-lipat siya ng pamilyang pinagtatrabahuhan hanggang makilala niya ang kasalukuyan niyang mga amo na nagtatrabaho noon sa Southeast Asia. Pagkaraan ng isang taon, isinama siya ng mga ito sa London pero binalaan siya na magiging mahirap ang pagkuha ng visa pero tutulong sila.

Sinasabi naman ni Sheila Tilan,  founding chairperson ng Filipino Domestic Workers Association sa UK, na kadalasang walang ibang mapagpipilian ang mga Pinay domestic worker sa pagpunta sa UK. Nagsimula silang magtrabaho sa pamilya ng kanilang mga amo sa Middle East o Asia pero isinama sila ng mga ito sa paglipat sa London. Hawak ng kanilang mga amo ang kanilang passport at visa.

Ayon sa 2019 survey ng Voice of Domestic Workers, isang kawanggawa para sa mga dayuhang kasambahay sa UK, 69 porsiyento sa mga ito ang walang sari-ling kuwarto sa bahay ng kanilang mga amo. Kalahati lang sa kanila ang may sapat na pagkain. Pitong porsiyento ang ginagahasa.  Marami sa kanila ang hindi makalabas ng bahay nang walang bantay mula sa kanilang mga amo. Ilan ang nabubugbog. Merong tumatakas sa kanilang amo kahit maging illegal sila sa UK. Noong Oktubre 2022 hanggang Hunyo 2023, umaabot sa 27 domestic worker ang nailigtas mula sa abusado nilang amo.  Noong Agosto at Setyembre ng taong ito, 17 kasambahay ang nasagip.

Mahigpit naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga Pinay DH sa ibayong-dagat pero tila hindi natututukan ang isyu kapag isinasama sila ng kanilang amo sa paglipat at pagtira ng mga ito sa ibang bansa na hindi orihinal na nakasaad sa kanilang kontrata. Meron bang probisyon sa kanilang job contract na nagsasaad ng kaukulang regulasyon kung sakaling isama ng dayuhang employer ang kanyang domestic worker sa ibang bansa? Meron bang proteksyon sa ganitong senaryo ang mga OFW?

* * * * * * * * * * * *

 

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with