Mga benepisyo ng pag-aalmusal; Dapat gawin paggising sa umaga
Alam n’yo ba na ang pagkain ng almusal ay nakakatalino (lalo sa bata sa school), nagbibigay ng enerhiya sa trabaho, may tulong sa pagdiyeta dahil hindi gugutumin at mapapakain nang marami sa tanghali.
Narito ang masustansiyang almusal:
1. Isda at gulay—Ang pritong bangus at gulay na monggo, pechay o kangkong ay masustansya at masarap pa. Ang sardinas at dilis ay napakasustansya rin. Mataas ito sa protina at calcium.
2. Gatas o yogurt—Kumpleto ito sa protina, carbohydrates at fats. Ang skim milk o yogurt ay bagay sa may katabaan, may diabetes at may mataas na kolesterol.
3. Itlog—Kung wala ka namang sakit sa puso o problema sa kolesterol, puwede kang kumain ng isang itlog bawat araw. Ang nilagang itlog ay masustansiya.
4. Prutas—Tulad ng saging, mansanas, papaya at mangga ay sagana sa bitamina at minerals. Limitahan lang sa isa o dalawang piraso ito o isa o dalawang hiwa ng mangga lang para hindi ka tumaba.
5. Oatmeal—Ang pagkain ng 1 tasang oatmeal bawat araw ay puwedeng magpababa ng ating kolesterol sa dugo ng 10 percent.
6. Cereals—May kamahalan lang ang cereals pero sagana ito sa bitamina at minerals. Kapag inihalo ito sa gatas ay talagang masustansya ito.
* * *
Mga dapat gawin paggising sa umaga
Maraming naaaksidente sa umaga. Lalo na sa bagong gising. Puwedeng mahilo at bumagsak dahil hindi pa ganoon ka-“gising” ang katawan. Puwedeng manhid pa ang paa at walang balanse sa paglalakad.
Sundin ang mga sumusunod na payo para ligtas.
1. Ihanda na ang gamit at damit para sa kinabukasan bago matulog. Para makatulog nang mahimbing.
2. Paggising sa umaga, magpasalamat sa Diyos. Dahil marami ang hindi na nagigising. Tandaan: “Every gising is a blessing”.
3. Paggising huwag agad tatayo at baka mahilo. Dahan-dahan lang. Umupo muna ng isang minuto at mag-stretch ng leeg at balikat. Ang biglang pag-upo at paggalaw ng ulo ay puwedeng magdulot ng vertigo o pagkahilo. Mayroon din nag-collapse at nagdilim ang paningin sa biglang pagtayo, dahil nagkulang ng dugo sa ulo sa pagbaba ng blood pressure.
4. Umupo sa inidoro habang umiihi, kahit sa mga lalaki. Baka inaantok ka pa at biglang bumagsak, mahilo o mag-collapse. May tinatawag na “micturition syncope” kung saan nag-collapse ang tao habang umiihi. Puwede itong mangyari.
5. Uminom ng dalawang basong maligamgam na tubig bago mag-almusal. Para luminis at maiihi ang dumi sa katawan. Turo ito ng Japanese water therapy.
6. Maging positibo na magiging maganda ang iyong araw. Mag-expect na may darating na biyaya.
- Latest