Bangayan kay Digong bentahe kay Lacson
Malaking bentahe kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pakikipag-alitan niya kay Presidente Duterte. Mas political advantage ito ni Lacson kaysa kay Sen. Dick Gordon na hantaran nang nagsabing hindi siya kakandidato sa mas mataas na puwesto. Si Lacson ay alam na nating kakandidato sa pagka-Presidente sa Mayo ng susunod na taon.
Laging pinapaboran ng taumbayan ang mga naglalantad ng katiwalian, lalo pa’t kung ang inaakusahan ay parang batang paslit na sa halip sagutin ang isyu ay pinupuna ang mga kapintasang panlabas ng nag-aakusa. Kaya ang social media ay napupuno ng mga papuri kina Lacson at Gordon.
Nakita kasi palibhasa ng mamamayan na talagang seryoso si Lacson na puksain ang katiwalian kahit pa nagpupuyos sa galit si President Duterte na tila nawawala na sa sarili. Tumatatak lalo sa isipan ng mga mamamayan ang mga programa ni Lacson para sa ikaaayos ng bansa.
Sa nangyaring pagbubulgar sa kaso ng overpricing sa halaga ng mga personal protective equipment na sinisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee, nabuo sa isip ng taumbayan ang pagsasamantala ng mga opisyal ng gobyerno sa pandemya para pagkakuwartahan imbes na lutasin ang krisis.
Isipin na ang bilyun-bilyong pisong pondo para tugunan ang pandemya ay inutang lang tapos ito’y lulustayin pa ng mga taong pinagkatiwalaang mangalaga sa kapakanan ng taumbayan. Nakaapekto ang COVID-19 sa kabuhayan ng bansa at taumbayan dahil sa mahabang lockdown. Tapos, nangyayari ang karumal-dumal na korapsiyon sa bilyong pisong pondong nakalaan sa mga biktima ng pandemya.
Inaasahan na ang magiging line-up ni Lacson sa mga lokal na posisyon ay magtaglay ng mga katangiang ginawa ng battle cry niyang KKK. Ibig sabihin ay Kakayahan, Katapatan at Katapangan para sila ay magkatulungan sa pagpapatupad ng mga solusyon sa problema.
Shoutout sa dating kabaro sa media na si ex-PCOO Usec. Rey Marfil na balita ko ay tatakbong governor ng Romblon. Mabuting tao ang kaibigan kong ito. Kung botante lang ako ng Romblon, tiyak na iboboto ko siya.
- Latest