^
EDITORYAL - Masyado nang umaabuso

EDITORYAL - Masyado nang umaabuso

(Pilipino Star Ngayon) - April 23, 2021 - 12:00am

Umaabuso na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa ginagawang profiling sa organizers ng community pantry. Maski ang mga grupo ng abogado­ ay nagpahayag na hindi tama ang ginagawang pagtatanong sa pagkakakilanlan ng organizer. Labag­ anila ito sa batas. Dahil sa ginagawa ng NTF-ELCAC, balak ng mga senador na bawasan ang pondo nito.

Mariin namang sinabi ng Malacañang na hindi dapat pakialaman ng NTF-ELCAC ang mga nagsul­putang community pantries sa bansa. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque hindi dapat pigilin ang layunin ng mga community pantry na isulong ang bayanihan para makatulong sa mga nangangailangan.

Ang pag-akto ng Malacañang ay kasunod nang ginawang red-tagging ng Quezon City Police District (QCPD) sa itinayong community pantry sa Maginhawa St. Quezon City. Ayon sa report, ilang pulis ang lumapit sa organizer ng pantry na si Patricia Non at tinanong ang cell phone number at kung anong grupo ito kabilang. Dahil sa ginawang profiling ng mga pulis, itinigil ang pantry noong Martes. Nangamba si Patricia sa ginawang profiling.

Nagpahayag naman ng suporta si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa organizer ng pantry sa Ma­ginhawa at nangako siya na magiging ligtas ito. Muling binuksan ang pantry noong Miyerkules at marami na naman ang pumila para makakuha ng panganga­ilangan. Dumagsa rin naman ang mga nagbigay ng tulong – bigas, gulay, sardinas, vitamins, face mask at mayroon pang isang lalaki na namudmod ng P50 sa mga nakapila.

Malaya nang makapagse-setup ng community pantry sa maraming lugar para marami pa ang matu­lungang kababayan. Hindi na mangangambang guluhin ng mga pulis at sundalo ang mga organizer­ na ang tanging adbokasiya ay makatulong sa mga naghihikahos. Mula nang tumama ang pandemya noong nakaraang taon, apat na milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho at problema ang kakainin. Hindi naman sapat ang ayuda ng pamahalaan.

Mabuti ang hangarin ng nagsimula ng pantry – ang makatulong sa mga walang-wala at kumakalam ang sikmura. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang pagtulong sa kapwa ay mabuting hangarin at hindi na kailangan ang profiling.

ELCAC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with