11 transport groups, suportado ang PUV modernization
MANILA, Philippines — Suportado ng iba’t ibang transport groups ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairman Jesus Ferdinand Ortega, nasa 11 transport groups ang nagpahayag ng suporta sa PUVMP.
Kabilang dito ang National Federation of Transport Cooperatives, Jeepney Ride Dagat Dagatan Navotas Transport Cooperative (JRDNTransCo), Exodus Transport Cooperative, Bukidnon Transport Multipurpose Cooperative, Consortium of Mindanao Transport Cooperatives & Corporations (CMTCC), Ladotransco Multipurpose Cooperative, Malabon Jeepney Transport Service Cooperative (MAJETSCO), Wheels of God Transport Corp., Bahaghari Kbmpc, Tabaco-Legapi Transport Cooperative (TALETRANSCO), at Pagunova Transport and Multi-Purpose Service Cooperative.
Dagdag pa ng OTC Chairman, tutol din ang pamunuan ng naturang mga grupo sa pagsasagawa ng tigil-pasada na anila ay nagpapahirap lamang sa mga pasahero at nakakaapekto sa pang-araw- araw na kita ng mga operator at driver ng mga pampublikong transportasyon.
“Kami ay hindi sasali o sumasali sa panawagang Tigil-Pasada “Stike” simula Nobyembre 20. Ang aming suporta sa PUVMP ay walang pagbabago simula sa umpisa hanggang sa ngayon,” pahayag ng grupong Bahaghari Kbmpc sa kanilang social media post.
Ayon pa kay Ortega, nais din ng mga transport groups na hindi na mapalawig ang konsolidasyon ng mga prangkisa na itinakda ng DOTr hanggang Disyembre 31 upang magtuluy-tuloy na ang implementasyon ng PUVMP.
Una nang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukas ang Kagawaran upang ipaliwanag sa iba pang transport groups ang mga benepisyong hatid ng PUVMP.
Iginiit din ng Kalihim na walang phase- out ng tradisyunal na jeepney at may subsidy mula sa gobyerno upang makakuha ang mga transport cooperatives ng mga modern jeep.
Sa datos ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board - LTFRB, mahigit 5,000 ruta na mayroong 135,761 consolidated franchises ang aprubado na at nasa ilalim ng operasyon ng 1,838 na mga kooperatiba.
- Latest