Sukob
Dear Dr. Love,
Ako ay isang Christian pero nangangamba ako sa gagawin naming pagpapakasal ng boyfriend ko. Balak naming magpakasal itong darating na December 25 kasabay ng araw ng Pasko.
Tawagin mo na lang akong Alexa, 26 anyos.
Pero ang kapatid kong lalaki na mas bata sa akin, nabuntis ang kanyang girlfriend at gusto ng mga magulang ng babae na maikasal agad sila kahit civil wedding muna.
Naniniwala ang parents ko sa pamahiin na malas daw kung ang magkakapatid ay ikakasal sa loob ng katulad na taon. Pero handa na ang lahat para sa Christian wedding namin sa December 25. Ano gagawin ko?
Alexa
Dear Alexa,
Talagang ang Kristiyano ay hindi dapat maniwala sa mga pamahiin. Maaari lang itong magkatotoo kung matibay mo itong pinaniniwalaan.
Siyempre, kung nasaan ang iyong pana-nalig, doon ka dadalhin. Marami na ang napahamak sa maling paniniwala. Pero hindi naman problema kung tutol ang mga magulang ninyo. Maaari namang maglaan ng isang linggong pagitan sa araw ng inyong kasal.
Kung ikakasal ka sa nobyo mo ng December 25, maghintay lang ng isang linggo ang kapatid mo ay iba na ang taon kaya hindi na kayo magkasukob. O kaya kahit Pebrero sila ikasal ay hindi pa naman napakatagal na panahon. Sabihin mo sa parents mo na huwag maniwala sa pamahiin.
Dr. Love
- Latest


















