Dahil sa paboritong damit
Dear Dr. Love,
Ako po si Nina. Madalas naming pag-awayan ng mister ko ang pagsuot niya ng paborito niyang mga damit kahit lumang luma na at sira na.
Akala tuloy ng biyenan ko at ibang tao, pinababayaan ko ang mister ko. Lagi naman akong naglalaba. Kaso ang hinahanap niya lagi ‘yung sinuot niya nung nakaraaang linggo. Nagtatrabaho siya sa furniture shop.
Malimit mangyari ‘to, lalo na kapag nagmamadali siyang pumasok sa kanilang opisina. Hindi naman ganun kabongga ang kanilang department. Assign siya sa pagbibilang ng mga resibo ng kumpanya sa kanilang sales. Kaya pwede namang hindi talaga ganun kadisente ang suot. Hindi rin naman siya nakikisalamuha sa mga customers nila.
Maayos naman ang pakikitungo sa kanya ng mga katrabaho niya.
Kapag binibili ko siya ng bagong polo shirt, ayaw niya. Mapili siya sa tela ng kanyang isusuot. Gusto niya ‘yung cotton. Eh, madali nga ‘yun maluma.
Mabuti na lang, iba’t ibang kulay ang nabibili ko sa kanya. Medyo kupas nga lamang. Ang akala ng iba na simpleng problemang ito ay lumalaki kapag nakainom siya. Hindi ko na nga lang sinasabayan ang kanyang galit para tumigil lang.
Ang ayoko lang ay ‘yung may masasabi pa ang ibang tao dahil sa kanyang pananamit.
Nina
Dear Nina,
May ugali talaga ang ibang tao na ang gusto nilang suotin ay ang paboritong polo o t-shirt.
Minsan kahit sa pantalon o sa sapatos din. Basta maayos pa naman ang mga ito, pwede naman paulit-ulitin.
Mas komportable kasi ang iba sa paborito nilang damit tulad ng mister mo.
Ang gawin mo na lang ay ibili mo siya ng katulad na katulad ng tela ng mga t-shirt o polo na gusto niyang suotin. Huwag mong intindihin ang sinasabi ng iba. Mabuti pa nga may suot pa ang mister mo.
Tama ‘yun, iba’t ibang kulay para hindi niya nauulit kaagad.
Ganyan talaga ang mag-asawa, kaila-ngan alamin ang mga nakagisnang ugali ng partner.
Basta marangal ang trabaho, malinis sa katawan at responsable ang mister mo, walang problema. Samahan mo rin ng lambing kapag sina-sabihan mo siya.
DR. LOVE
- Latest