Cale88, P75 pasahod sa mga empleyado

MANILA, Philippines — Posibleng maharap sa hiwalay na labor complaint ang Cale88 Food Corp. matapos lumabas sa mga dokumento ng kumpanya na umaabot lamang umano sa P75 kada araw ang sahod ng mga manggagawa nito.
Ang Cale88 Food Corp. ay isang banana chips exporter na nauugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakasaad sa mga rekord ng kumpanya na mayroong 115 manggagawa ngunit P3.112 milyon lamang ang kabuuang inilaan para sa taunang sahod at kompensasyon.
Batay sa naturang datos, kung hahatiin ang halaga sa 115 empleyado na nagtrabaho sa loob ng isang taon, lalabas na nasa P27,061 lamang ang taunang sahod ng bawat isa, o katumbas ng humigit-kumulang P2,255 kada buwan.
Aniya, katumbas lamang ito ng nasa P75 kada araw, malayong mas mababa sa itinakdang minimum wage. Sa isang press briefing, inihambing niya ito sa P448 na arawang minimum na sahod para sa mga regular na manggagawa sa Davao Region.
Nang tanungin kung maaari itong maging batayan ng hiwalay na reklamong paggawa laban sa kumpanya, sinabi ni Adiong na posible ito kung mapatutunayang lumabag sa umiiral na regional minimum wage order.
Binigyang-diin din niya na ang kanilang pagsusuri ay nakabatay sa mga dokumentong mismong isinumite ng Cale88 sa Board of Investments (BOI). Kinuwestiyon din niya kung sapat ang naging beripikasyon sa payroll ng kumpanya bago ito nabigyan ng rehistro at mga insentibo mula sa pamahalaan.
Ayon pa kay Adiong, maaari ring maging batayan ang isyu para sa pagkansela ng sertipikasyon ng kumpanya kung mapatutunayang may paglabag.
Samantala, kinuwestiyon naman ni House impeachment prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang mga ebidensiyang iniharap ng depensa kaugnay sa aktuwal na operasyon ng Cale88 noong panahong may 47.5 porsiyentong pagmamay-ari rito si Carpio.
Sinabi ni Chua na ang mga larawang ipinakita sa pagdinig ay nagpapakita ng operasyon ng kumpanya sa ilalim na ng bagong pamunuan noong 2026, at hindi noong panahon na may kaugnayan pa rito si Carpio.
Giit niya, walang sapat na larawan o dokumentasyon na magpapatunay sa aktuwal na operasyon ng kumpanya noong panahong bahagi pa ito ng pagmamay-ari ni Carpio.
Matatandaang kinuwestiyon din ng House prosecution kung sapat ang bilang ng mga manggagawa at kapasidad ng produksyon ng Cale88 upang suportahan ang iniulat nitong kita at mga transaksiyong pinansiyal, kabilang ang hindi bababa sa P319 milyong remittance mula sa China.
- Latest


















