‘Sobre’ ni VP Duterte, ipipresenta sa impeachment

MANILA, Philippines — Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice para sa mga “sobre” na pinaglagyan umano ng mga perang natanggap ng dating opisyal ng Department of Education (DepEd) mula kay Vice President Sara Duterte.
Inaasahan na ipipresenta ang mga naturang sobre sa impeachment proceeding sa April 14.
Matatandaan na sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 ukol sa confidential funds ng bise presidente at isiniwalat ni dating DepEd Usec. at pinuno noon ng Procuring Entity o HOPE Gloria Mercado na nakatanggap siya noon ng mga sobre mula kay dating DepEd Asec. Sunshine Fajarda.
Batay pa kay Mercado, ang mga sobre ay nagmula umano kay VP Duterte sa pagitan ng Feb. 2023 hanggang Sept. 2023, nakatanggap umano siya ng 9 na sobreng may nakasaad na HOPE.
Kaya sa subpoena ng Justice Committee, inatasan si Marivic Pareja, director ng House of Representatives Legislative Archives and Museum Management Service, na i-produce ang mga rekord kasama ang mga materyal na iniuugnay kay Mercado, para sa April 14 impeachment proceeding.
Kabilang sa hinihingi ng komite ay affidavit ni Mercado at ang naturang mga sobre.
Pinasusumite rin ng Justice Panel ang mga transcript at video recordings ng Blue Ribbon Committee ng Kamara, mula Sept. 2024 hanggang Nov. 2024.
- Latest
















