Civilian-led mission nalusutan 'Chinese blockade,' namigay ng ayuda sa Panatag
MANILA, Philippines — Idineklarang "tagumpay" ng Atin Ito coalition ang kanilang resupply mission patungong Bajo de Masinloc matapos malusutan ang panghaharang ng Tsina, dahilan para makapag-abot ng tulong sa mga mangingisda ng West Philippine Sea.
Ito ang ibinahagi ni Rafela David, co-convenor ng Atin Ito at presidente ng Akbayan party, ngayong Huwebes matapos malampasan ng kanilang advanced team ang panghaharang ng Beijing sa area, bagay na tinatawag ding Panatag (Scarborough) Shoal.
"Despite China's massive blockade, we managed to breach their illegal blockade, reaching Bajo de Masinloc to support our fishers with essential supplies. Mission accomplished!" ani David sa isang pahayag.
"This stands as a testament to the ingenuity, resourcefulness and bravery of the Filipino spirit amidst formidable challenges,” dagdag niya.
Ika-14 ng Mayo pa unang tumulak ang advance team ng grupo patungong Panatag Shoal, isang araw bago magsimula ang opisyal na civilian supply mission.
Dumating ang 10-member advance team 25 hanggang 30-nautical miles ng general vicinity ng Bajo de Masinloc. Kabilang na rito ang mga miyembro ng Akbayan Party, Pambansang Katipunan ng mga Samahan sa Kanayunan (PKSK) and the Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM).
Wika ng Atin ito, agad silang nakapagbigay ng 1,000 litro ng diesel at 200 food packs sa mga Pilipinong mangingisdang nagtratrabaho sa Panatag Shoal, bagay na nasa loob ng pinag-aagawang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ng resupply mission ang nasa 144 mangingisda mula sa anim na mother boats at 36 na mas maliliit na bangka.
Pananakot, pambubuntot
Nagawa ito sa kabila ng intimidation o pananakot ng dalawang Chinese Coast Guard vessels sa mga sibilyan, kabilang na rito ang pagbuntot ng Chinese Navy ship na may body number na 175.
Patuloy kasing iginigiit ng Beijing ang kanilang karapatan sa West Philippine Sea kahit ibinasura na ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang kanilang nine-dash line claim sa halos buong South China Sea.
Sa video na ito, makikitang sumisigaw ng "West Philippine Sea, atin ito," ang mga Pilipinong mangingisda sa harap ng dalawang CCG vessels.
Nakunan din sa Facebook kung paano nagpalitan ng radio challenges ang Philippine Coast Guard (PCG) at CCG. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang Atin ito contingent.
Sinamahan ng misyon at Atin Ito youth volunteers ang mga mangingisda ngayong umaga para mangisda sa loob ng EEZ ng Maynila sa gitna ng tensyon. In-escort din ng BRP Bagacay ng Coast Guard ang civilian convoy habang hindi nilalayuan ng CCG vessel 4203 ang mga volunteers simula kagabi.
"China may possess larger and more vessels, and wield strong water cannons, but we possess a secret weapon: our 'diskarteng Pinoy,' which, when coupled with determination and love for fellow citizens and country, can surmount even the most daunting adversity," dagdag pa ni David.
"Tagumpay po tayo! This mission is a tremendous success. We have achieved so many things despite the extraordinary challenges. Mabuhay ang Pilipinas at ang mamamayang Pilipino. West Philippine Sea, atin ito!"
Disyembre 2023 lang nang tumulak patungong West Philippine Sea ang unang civilian mission ng Atin ito para magdala ng supplies sa frontline workers sa Lawak Island.
Matatandaang nalampasan ng mas maliit nilang supply boat, ang ML Chowee, ang Chinese vessel harassment malapit sa Ayungin shoal.
Nangyayari ang lahat ng ito mahigit dalawang linggo matapos banggain at bombahin ng tubig ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia vessels ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at PCG na magdadala sana ng pagkain at fuel para sa mga mangingisdang Pinoy.
- Latest