Gun ban ikakasa hanggang July 2 para sa Marcos-Duterte inauguration
MANILA, Philippines — Halos kalahating buwan ang ipatutupad na "gun ban" ng Philippine National Police sa Metro Manila at Davao City bilang pagtitiyak sa seguridad ng inagurasyon ng susunod na pangulo at bise presidente.
Ito ang ibinahagi ni Police Major General Valeriano de Leon, Director of PNP Operations, sa isang briefing ngayong Miyerkules.
"Dito naman sa Kamaynilaan, from June 27 to July 2 [ang gun ban para sa inagurasyon ni presidente-elect Ferdinand Marcos Jr.]," ani De Leon kanina.
"[Sa] Davao kung saan magkakaroon ng inauguration [ni vice president-elect Sara Duterte-Carpio] ng June 19... [may gun ban] from June 16 to June 21 midnight."
Nakatakdang manumpa si Marcos sa ika-30 ng Hunyo sa National Museum habang pinili naman ni Duterte-Carpio na gawin ito sa kanilang hometown sa hiwalay na araw.
Martes lang nang sabihin ni De Leon na hiniling niya kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang suspenyon ng permits to carry firearms sa labas ng mga bahay sa Maynila at Davao.
Una na rin niyang hiniling sa pamahalaang Lungsod ng Maynila na ideklarang holiday ang June 30 para mapaluwag ang daloy ng mga sasakyan lalo na't isasara sa mga motorista ang mga kalsada papunta sa National Museum, na siyang dating nagsilbing tahanan ng bicameral congress at Senado.
Inilinaw naman ng PNP na walang problema kahit na magkaroon ng mga protesta sa araw ng panunumpa nina Marcos at Duterte-Carpio. Sa kabila nito, magpapatupad pa rin daw sila ng mga pag-iingat.
"We have no problem [regarding protests on inauguration day] dahil meron tayong mga kababayan na gustong i-air ang mga hinaing o issues. But what we are worrying about is mahaluan ito ng mga 'Left-leaning' na groups," dagdag pa ni De Leon, kahit hindi iligal maging maka-Kaliwang aktibista.
"We do not allow rallies to disturb the procedures, especially if they assemble in areas where they stop the flow of traffic. There will be road closures and expectedly magkakaroon ng congestion in some parts."
"Since this is a historic event... and the world is watching us, i-allow natin sila doon sa tamang lugar [gaya] ng freedom parks."
Ibang usapan naman na raw kung umalis ang mga militante't kritiko ng paparating na gobyerno sa mga itinalagang freedom park at magmartsa papunta sa pinagdarausan ng inagurasyon, bagay na hindi nila nirerekomenda.
Wala pa rin naman daw nakukuhang impormasyon sina De Leon kung may naghain na ng permit to rally na kakailanganin kung lalabas sa mga nasabing erya.
Mahigpit na ipinatutupad ngayon ng Maynila ang "no permit, no rally" policy alinsunod sa mga probisyon ng Batas Pambansa 880.
- Latest