Korapsyon sa PhilHealth, itinanggi ni Morales
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni PhilHealth President Ricardo Morales na may naganap na iregularidad sa ahensiya.
Ayon kay Morales, 50,000 transactions ang inaaksiyunan ng PhilHealth araw-araw at posibleng nagkamali lamang sa pagpasok ng mga entries at hindi korapsiyon ang mga efficiencies na sinasabi laban sa ahensiya ni Thorrsson Montes Keith, anti-fraud officer ng PhilHealth.
Kaugnay nito, hinimok ni Morales ang nagbitiw na si Keith na liwanagin ang alegasyong may malawakang korapsiyon sa PhilHealth.
“Palagay ko hindi corruption ‘yung mga inefficiencies diyan, mali ‘yung pasok ng entries o kulang. Pero iyong sinasabi na korapsyon na may sindikato, may mafia, wala hong ebidensiya,” pahayag ni Morales.
Sinabi ni Morales kay Keith na magpalabas ito ng mga katunayan at mga ebidensiya sa sinasabi nitong korapsyon.
“Kung may alam siyang corruption, ilabas niya. Mag-aantay pa siya ng August 31 for his resignation to become effective? Gawin na niyang Lunes o ngayon, kasi detrimental na ‘yung ano niya… it would compromise the corporation for him to stay, for him to have access to the resources of the corporation,” ani Morales.
Naniniwala rin si Morales na ang ginagawa ni Keith na may “non-existent” position ay dahil sa hindi naaprubahan ang gusto nitong promosyon sa trabaho dahil hindi siya qualified.
- Latest