Swab test sa mga uuwi ng probinsiya ‘di kailangan - DILG
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni DILG Secretary Eduardo Año na hindi kailangang sumailalim sa swab testing ng mga residenteng umuuwi sa kanilang mga lalawigan.
Ayon kay Año, na siya ring vice-chairperson ng National Task Force against the COVID-19 pandemic, hindi pa naman aprubado ang panukalang isailalim ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa polymerase chain reaction (PCR) tests pagdating sa kanilang mga uuwiang probinsya.
Sinabi ng kalihim na posibleng nagkaroon lang ng miscommunication hinggil sa isyu.
Nauna rito, napaulat na ilang stranded passengers sa North Port Passenger Terminal sa Tondo, Manila ang nire-require na magpakita ng swab test results.
“Nagkaroon lang siguro ng miscommunication. Hindi required ‘yung PCR testing sa kanila. Hindi pa naman na-approve ‘yung bagong pino-propose nating protocol na mag-a-undergo ng PCR testing ang mga LSI pero ito ay doon na sa kanilang point of destination,” paliwanag ni Año.
Sa ngayon aniya, ang current protocols pa rin na ipinatutupad nila ay medical clearance certificate, travel authority at 14 days mandatory quarantine pagdating sa kanilang destinasyon. Doris Franche
- Latest